83 PATAY SA TUNAY NA BOMBA; ANG BOMB JOKE

83 PATAY SA TUNAY NA BOMBA; ANG BOMB JOKE

February 1, 2023 @ 2:00 PM 2 months ago


NAPAKARAMING nasawi habang nagdarasal sa mosque sa Peshawar, Pakistan na binomba ng hindi pa umaaming grupo.

May umamin na, isang opisyal ng Pakistani Taliban, ngunit agad na pinabulaan ito ng mas mataas na opisyal ng nasabing rebeldeng grupo sa nasabing bansa.

Karamihan sa mga biktima ang pulis dahil nasa loob ng police headquarter ang mosque.

Dito rin matatagpuan ang mga kawanihan ng intelligence at counter-terrorism.

Ang napakalaking katanungan ng mga awtoridad, paano nakapasok ang suicide bomber na nakapakalakas na bomba ang pinasabog nito sa mosque.

Nagiba ang mosque at hanggang sa tinitipa natin ito, maaaring madaragdagan pa umano ang 87 nang  patay.

MAG-INGAT SA MGA BOMBER

Hindi biro-biro ang mga bomber na maaaring mambobomba nang malayo at gamit ang mga remote control, kasama ang mga cellphone.

Grabe namang mambomba mismo ang mga suicide bomber dahil ang layunin nila, kapag nagtagumpay, grabe ang pagkakagawa, gaya ng nangyari sa Peshawar.

Hindi ba, may suicide bomber ding nagpasabog ng sarili sa dobleng pambobomba sa Jolo, Sulu noong Agosto 2020?

Nasa 15 katao, karamihan sundalo, ang napatay at umabot sa 77 ang nasugatan.

Karamihan sa mga napatay ang nakadeploy sa lugar upang magbantay makaraang bombahin din ang Jolo Cathedral na ikinamatay ng 20 at ikinasugat ng 100 iba pa.

Noong nagsisimula pa lang din ang mga Abu Sayyaf bilang alagad ng Al Qaida ni Bin Laden,  binomba nila ang LRT Blumentritt noong Disyembre 30, 2000 na ikinamatay ng 22 pasahero at ikinasugat ng mahigit 100.

Anong malay nating maulit ang mga ito sa iba’t ibang lugar sa mahal kong Pinas?

Ang masakit, nadadamay pati ang mga inosenteng sibilyan.

‘YANG BOMB JOKE AT BOMB THREAT

Ngayon naman, hindi lang mga iskul sa Quezon City kundi eroplano ang kamakaila’y ginawan ng bomb threat at bomb joke.

Itong bomb joke sa eroplano sa Davao nitong nagdaang araw ang pinakahuli.

Narinig si Annabelle Macose na nagbibirong may bomba sa loob ng eroplano kaya agad pinababa ang lahat ng crew at pasahero ng CEB flight 5J970 at naganap ito dakong 6:45 ng gabi.

Kasama sa mga aksyon ng mga awtoridad ang pagdakip kay Macose at hayun siya, maaaring masampahan ng kaso na may parusang 5 taong at multang P40,000 sa ilalim ng Presidential Decree No. 1727 kung…

Bago nangyari ito, sunod-sunod ang mga bomb threat at bomb joke sa ilang eskwela sa sakop ni Mayor Joy Belmonte.

Itong si Elfrank Emil Kadusale, ng Barangay San Martin de Pores, QC, eh, inaresto sa paglalabas ng banta sa Facebook page ng Ponciano Bernardo High School sa Cubao.

Sabi niya, “Naglagay ako ng bomba sa elementary school. Mauubos kayo lahat diyan pagsabog nito.”

Nang maaresto ang tarantadong ito, joke lang daw iyon.

Anak ka ng putakte!