83 Pinoy sa ibang bansa, nasa death row

83 Pinoy sa ibang bansa, nasa death row

March 3, 2023 @ 8:24 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Nasa 83 Pinoy ang naghihintay ng kanilang kamatayan sa iba’t ibang bansa.

Ito ang inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa isinagawang public hearing ng House Committee on Overseas Workers Affairs.

Ayon kay DFA Assistant Secretary Paul Raymund Cortez, sa nasabing bilang, 56 Filipino ang nasa death row sa Malaysia, na karamihan sa kaso ay may kaugnayan sa murder at drug-related charges.

Anim naman ang nasa death row sa Unified Arab Emirates (UAE) habang 5 sa Kingdom of Saudi Arabia (KSA). Samantala, 15 pa ang naghihintay ng parusang kamatayan sa United States (US), China, Japan, Vietnam, Brunei at Bangladesh at isa sa Indonesia, na kaso ni Mary Jane Veloso.

Ipinaliwanag ni Cortez sa komite na may ilang insidente na ang mga convicted na Pinoy sa ibang bansa ay hindi na ipinaaalam ang kinasapitan sa embahada o sa Philippine consulate dahil marami sa kanila ay naging citizen na sa nasabing mga bansa. Gail Mendoza