836 huli sa Comelec gun ban

836 huli sa Comelec gun ban

February 6, 2022 @ 4:36 PM 8 months ago


MANILA, Philippines – Umakyat sa 836 ang bilang ng mga taong inaresto dahil sa paglabag sa election gun ban, sinabi ng Philippine National Police (PNP) ngayong Linggo.

Sa panayam sa dzBB, sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na mahigit 90% ng mga nahuli ay mga sibilyan.

“May ilan ilan tayong nasita na PNP personnel, ganun din sa AFP (Armed Forces of the Philippines), dahil nung dumaan sila sa mga checkpoints natin ay wala silang bitbit na mga gun exemption kaya sila ay nasita,” paliwanag naman ni Fajardo.

Dagdag pa ng tagapagsalita ng PNP, pansamantalang kinukuha ang mga baril na nakumpiska sa mga alagad ng batas hanggang sa maipakita ang pruweba ng exemption.

Samantala, may mga ilang sibilyan naman ang pinahintulutan na magdala ng mga baril dahil sa uri ng kanilang mga trabaho. Gayunpaman, ang kanilang mga exemption ay nasa kalagitnaan pa rin ng pagpoproseso.

“Kahit on process ang kanilang mga papel ay hindi pa rin ‘yun sapat para ay magdala. Hintayin nila ‘yung exemptions nila at para pagdating sa mga checkpoints ay maipakita nila ‘yung karampatang papeles na nagbibigay sa kanila ng authority para magdala ng baril,” paglilinaw pa ni Fajardo.

Nang magsimula ang election period noong Enero 9 at ipinataw ang Commission on Elections (Comelec) gun ban, lahat ng uri ng baril, maging ang mga may lisensya at may permit to carry, ay hindi na pinayagang dalhin sa labas ng tirahan ng may-ari.

Sinabi naman ni Fajardo na dadagdagan ng PNP ang mga ipapakalat na tauhan habang nagsisimula ang campaign period para sa pambansa at lokal na halalan sa Mayo 9.

“Doble ‘yung magiging paglalatag natin ng ating mga tauhan. Kaya even ‘yung mga administrative personnel natin sa national, regional headquarters ay ibababa po sa mga stations para dagdag pwersa sa gagawing pagbabantay lalo na sa pagdadausan ng campaign sorties,” dagdag pa niya.

Batay sa kalendaryo ng mga aktibidad ng Comelec para sa Eleksyon 2022, ang campaign period para sa president, vice president, senator, at party list ay magsisimula sa Pebrero 8. RNT