84% ng 2022 grads may trabaho, negosyo – TESDA

84% ng 2022 grads may trabaho, negosyo – TESDA

January 23, 2023 @ 5:20 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Ibinalita ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) nitong Lunes, Enero 23 na umabot sa 84.72% ang employment rate nila mula sa 1.2 milyon na nagsipagtapos noong 2022.

Ayon kay TESDA deputy director general Aniceto Bertiz III kasabay ng public briefing, batay sa isinagawa nilang pag-aaral, walo sa 10 TESDA graduates ang mayroon nang trabaho o kaya ay negosyo.

Sa 1.2 milyon din na trainees, siyam sa 10 ng mga ito ay sertipikado sa iba’t ibang sektor.

Ngayong taon, target naman ng TESDA ang makapagturo sa 1.8 milyon na enrollees.

“Nandiyan ang agrikultura, ang construction industry, IT-BPM or digitalizations program na rin ng TESDA, pati na rin ang healthcare, and tourism dahil sa pagbubukas ng ating bansa,” ani Bertiz.

Batay sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), nasa 2.18 milyon ang unemployed persons edad 15 pataas noong Nobyembre 2022, mas mababa sa 2.24 milyon na walang trabaho noong Oktubre at 3.16 milyon na walang trabaho, Nobyembre 2021.

Samantala, idiniin din ni Bertiz ang kahalagahan ng upskilling o reskilling sa mga manggagawang Pinoy upang magkaroon ng karagdagang skills na magagamit nila sa kanilang trabaho o kabuhayan.

“Napaka-importante talaga ng upskilling, reskilling, and retooling program based on the demand of the industry at local government units natin para ma-address natin ‘yung job skills mismatch at makatulong din tayo sa paghahanap nila ng trabaho,” aniya. RNT/JGC