85% ng malapit nang mapanis na AstraZeneca doses naiturok na

85% ng malapit nang mapanis na AstraZeneca doses naiturok na

June 2, 2021 @ 11:40 AM 2 years ago


MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Malakanyang na paubos na ang mga bakuna ng AstraZeneca na malapit nang mag-expired matapos na maiturok na ang 85% nito.

Sa isang media briefing, iniulat ni National Task Force Against COVID-19 deputy chief implementer Vince Dizon ng 85% ng 1.5 million doses na nakatakdang mapanis sa Hunyo 30 ay naiturok na bilang unang shot.

Siniguro niya at nagpahayag siya ng kumpyansa na magagamit na ang natitirang 15% sa susunod na linggo.

“Meron tayong mga narinig na kaunting pagbabatikos noong mga nakaraang araw tungkol sa ating ability na mag-vaccinate nung mga AstraZeneca doses na mage-expire by June,” aniya. “Pruweba lang ‘yan na kaya nating magbakuna nang mabilis at nang maramihan.”

Ang nasabing suplay ay bahagi ng 2 million AstraZeneca doses ay ibinigay ng World Health Organization-led COVAX facility sa mga unang linggo ng Mayo. Ang 530,400 rito ay sa Hulyo pa mapapanis.

Ayon sa opisyal na datos 5.1 million shots na ang naiturok sa bansa sa 3.9 million indibidwal kung saan 1.2 million dito ang fully vaccinated na. RNT