86 arestado sa pagbili, pagbenta ng boto sa MM – NCRPO

86 arestado sa pagbili, pagbenta ng boto sa MM – NCRPO

May 12, 2019 @ 2:37 PM 3 years ago


Manila, Philippines – Umabot na sa mahigit 80 indibidwal ang naaresto ng mga awtoridad sa Metro Manila dahil sa pagkakasangkot ng mga ito sa pagbili at pagbebenta ng boto, ayon kay National Capital Region Police Office chief Director Guillermo Eleazar ngayong Linggo.

Sa isang panayam, sinabi ni Eleazar na ang pagkakaaresto sa mga suspek ay naganap sa pagpapatupad ng Task Force Kontra Bigay kasama ang Commission on Elections (Comelec), Philippine National Police at  Armed Forces of the Philippines.

Noong Biyernes, sinabi ni Eleazar na ang task force ay inilunsad sa apat na lugar sa Metro Manila – Malabon City, Muntinlupa City, Quezon City at  Makati City.

Sa kabuuang 86 indibidwal na nahuling bumibili at nagbebenta ng boto, 60 sa mga ito ay mula sa Makati City, 26 sa Quezon City, 17 sa Muntinlupa at isa naman sa Malabon.

Ang mga naarestong suspek ay kasalukuyang nakakulong sa mga istasyon ng pulis sa kanilang mga lugar at maaaring maharap sa kaso sa Office of the City Prosecutor.

Sa ilalim ng Omnibus Election Code, ang pagbili at pagbenta ng boto ay kinukunsiderang paglabag sa mga panuntunan sa eleksiyon at maaaring maparusahan ng pagkakakulong ng hindi bababa sa isang taon.

Ayon kay Eleazar, bukod sa kahaharaping kaso sa prosecutor’s office, ang mga suspek ay pananagutin din ng Comelec./Remate News Team