86 bata sapul ng HIV sa Pinas; nakuha sa pakikipagtalik

86 bata sapul ng HIV sa Pinas; nakuha sa pakikipagtalik

March 14, 2023 @ 6:07 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Umabot na sa 86 na kabataan ang nasapul ng kaso ng human immunodeficiency virus (HIV) noong Enero ngayong taon, batay sa datos ng Department of Health (DOH).

Sa datos ng Epidemiology Bureau ng DOH, umabot sa 1,454 kumpirmadong HIV-positive na indibidwal ang naitala noong Enero, pitong kaso ay mga bata na may edad dalawa hanggang siyam, habang 79 na kaso ay mga kabataan na may edad 10 hanggang 19.

Sa mga kabataan, 57 kaso ay 18 hanggang 19 taong gulang; 20 kaso ay 15 hanggang 17 taong gulang; at dalawang kaso ay 10 hanggang 14 taong gulang.

Sinabi ng DOH na halos lahat sa kanila ay nakakuha ng virus sa pamamagitan ng pakikipagtalik, maliban sa isa na walang data sa mode of transmission.

Para sa mga bata, anim ang nakakuha ng HIV sa pamamagitan ng vertical transmission, habang ang isa ay walang data sa mode of transmission.

Mayroon ding 444 na kaso na may edad 15 hanggang 24 na nagpositibo sa HIV. Sa kanila, 96 ang natagpuang may advanced HIV infection.

Tatlumpu’t siyam na pagkamatay din ang naitala ng DOH sa mga taong na-diagnose na may HIV noong Enero.

Halos kalahati o 18 sa mga nasawi ay nagmula sa Central Luzon, National Capital Region, at Northern Mindanao, habang ang iba ay naiulat sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Tinukoy ng DOH na 6,383 na pagkamatay ang naitala sa bansa mula Enero 1984 hanggang Enero 2023, mula sa kabuuang 110,736 na kaso ng HIV.

Sa press briefing nitong Martes, idiniin ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na lahat, anuman ang kanilang edad, ay maaaring magkaroon ng HIV.

Ipinaliwanag niya na ang pinakakaraniwang sanhi ng HIV sa Pilipinas ay hindi ligtas na pakikipagtalik.

“Hindi na po death sentence ngayon ang HIV katulad noong araw na iniisip ng mga tao na kapag nagka-HIV, wala nang lunas. Hindi kayo nagagamot, pero ‘yung gamot na iniinom niyo can maintain and sustain your life and you will be productive hanggang sa matagal na matagal na panahon,” aniya pa. RNT