8,600 OFW naka-kwarantin sa banta ng Omicron- OWWA

8,600 OFW naka-kwarantin sa banta ng Omicron- OWWA

January 17, 2022 @ 7:12 PM 7 months ago


MANILA, Philippines- Kasalukuyang naka-quarantine ang 8,600 overseas Filipino workers sa buong bansa dahil sa banta ng mas nakahahawang coronavirus disease (COVID-19) omicron variant.

“Sa ngayon, mga 8,600 in 195 hotels po. Manageable levels po ‘yan,” pahayag ni Overseas Workers Welfare Administration administrator Hans Leo Cacdac nitong Lunes.

Inilahad naman ni Cacdac na nakatanggap sila ng mga reklamo dahil sa pagkaantala ng paglabas ng resulta ng swab tests ng mga OFW.

“Ito ay gawa nung matinding volume ngayon ng mga nagpapa-test. Nakikita naman po natin ‘yan sa mga resulta ng COVID cases natin sa pang araw-araw,” sabi niya.

“Sinosolusyonan na po ito. Naiibsan na po ang situwasyon as compared to say 1 or 2 weeks ago,” patuloy ni Cacdac.

Upang mas mapadali ang pagproseso sa swab tests, pinapayagan na aniya ang ilang government at private laboratories.

“Dahan-dahan na nating silang napapauwi. Na-restore na ang 2,000 na napapauwi from accommodation on a daily basis,” pahayag ni Cacdac. RNT/SA