Manila, Philippines – Karamihan sa mga Pinoy ang naniniwalang dapat na maibalik sa bansa ang kontrol nito sa mga islang okupado ng China sa West Philippine Sea.
Sa inilabas na survey ng Social Weather Station (SWS) kagabi, lumabas dito na 87 percent o 8 hanggang siyam sa sampung Pinoy ang nagsabi na mahalagang maibalik sa bansa ang pagkontrol sa pinag-aagawang mga isla.
Dagdag pa sa survey na isinagawa noong June 27-30, 69% ang nagsabing ‘very important’ o lubhang mahalaga ito habang 18 percent ang nagsabing ‘somewhat important’ o medyo mahalaga.
Tig-isang porsyento lang ang nagsabing ‘not at all important’ at ‘somewhat not important’.
Pagdating naman sa usapin kung takot ba ang China na humarap sa korte sa takot na wala ito sa katarungan, 69% ang umayon habang walong posiyento naman ang hindi umayon.
Sinabi rin ng 65 percent ng mga Filipino na may alam sila sa isyu ng pang-aabuso ng Chinese Coast Guard sa mga mangingisdang Filipino partikular sa pagkuha sa kanilang mga nahuling isda.
Sa kabila nito, naniniwala naman ang 43% ng mga Filipino na hindi pagtatraydor sa bayan ang hindi pagtatanggol ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga isla habang 29% ang nagsabing ito ay pagtatraydor habang 28% naman ang nagsabing hindi nila alam.
Nasa 1,200 na mga nasa tamang edad ang sumailalim sa survey nito mula sa Luzon, Visayas at Mindanao na may sampling error margin na ±3 percent para sa pangkalahatang porsyento at ±6 percent para sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao. (Remate News Team)