891 empleyado ng Southern Philippines Medical Center positibo sa COVID

891 empleyado ng Southern Philippines Medical Center positibo sa COVID

January 29, 2022 @ 4:07 PM 8 months ago


Manila, Philippines – Nagpositibo ang nasa 891 empleyado ng Southern Philippines Medical Center sa COVID-19 ngayong buwan, batay sa ulat.

Ito ang kinumpirma ni Dr. Ricardo Audan na karamihan dito ay naka-home isolation habang 30 naman ang naka-admit sa healthcare facility.

“I think it’s the work of omicron. Ang mabuti lang dito, ’yung lahat ng nag-positive, fully vaccinated. And I think, karamihan din, naka-booster na,” ani Audan sa ABS-CBN News.

Dahil sa kakulangan sa staff, sinabi ni Audan na binawasan ng SPMC ang quarantine time at ginawang limang araw para sa mga na-infect na empleyado.

“Bale sinunod din namin ’yung guidelines ng IATF na 7 days fully vaccinated, ginawa na naming 5 days (ang quarantine) kasi talagang medyo ma-paralyze ang operation. But then, hindi kami nag-close, patuloy pa rin yung serbisyo namin sa mga tao.”

Sumulat na rin aniya siya kay National Task Force Against COVID-19 chief implementer Carlito Galvez Jr., para humingi ng health workers mula sa Armed Forces of the Philippines at Bureau of Fire Protection.

Samantala, naabot na rin ang 100 porsyento kapasidad ng ICU at ward bed utilization rates.

“Wala kaming problema mag-expand. In fact, mayroon kaming waiting na another 60 beds for expansion. The problem is ’yung staffing talaga.” RNT/FGDC