9 huli sa P405K shabu sa Bicol

9 huli sa P405K shabu sa Bicol

January 22, 2023 @ 4:15 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Inaresto ng mga awtoridad ang aabot sa siyam na suspected drug personalities sa magkakahiwalay na operasyon ng pulisya sa Bicol nitong Sabado, Enero 21 at Linggo, Enero 22.

Sa impormasyon, umabot sa P405,000 halaga ng shabu ang nakumpiska sa mga operasyong ito.

Sa Naga City, naaresto ang suspek na magkapatid na sina Marvin Badilla, 24-anyos at Augosto, 40 anyos na kapwa nasa drugs watchlist.

Nakuha sa kanila ang kabuuang 1.5 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P10,200 pesos.

Sa Barangay Igualdad naman ng kaparehong lungsod, nasukol ang suspek na si Angelo Cipres, 52-anyos, matapos makuhanan ng aabot sa tatlong gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P20,400.

Isang sachet naman ng illegal na droga na nagkakahalaga ng P1,360 ang nakuha mula sa isang abandonadong bahay sa Barangay Cararayan.

Dagdag pa, arestado rin ang tatlong indibidwal sa Magarao, Camarines Sur matapos makuhanan ng apat na maliit na sachet at limang medium sachet ng shabu.

Ang mga suspek ay kinilalang sina Aldin Fortuna, 36, at Luis Tampoco Jr., 50.

Samantala, sa probinsya ng Albay, naaresto rin ang mga suspek na sina
Joemar Oliveros, 31, at Giovamme Shandel De Lumen, 42, sa Legazpi City matapos makuha ang nasa P6,800 na halaga ng shabu mula sa mga ito habang sa bayan ng Polangui ay nadakip naman sina Rolly Luna, 38, at Melchor Prince Millare, 35, sa mahigit 50 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P340,000 at P10,200.

Nahaharap ang mga nahuli sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. RNT/JGC