9 katao arestado sa anti-drug ops; P235K shabu kumpiskado

9 katao arestado sa anti-drug ops; P235K shabu kumpiskado

December 12, 2021 @ 12:51 PM 10 months ago


MANILA, Philippines- Umaabot sa siyam na katao ang arestado at kabuuang ₱235,280 halaga ng shabu ang nakumpiska ng mga pulis sa illegal drugs operation sa mga lungsod ng Taguig, Makati at Muntinlupa kamakalawa.

Dakong alas-3:30 ng hapon sa Guyabano St., kanto ng Roldan St., Brgy. New Lower Bicutan, Taguig City, nagsagawa ng Oplan Galugad ang kapulisan nang matyempuhan ang isang Andy De Leon sa pag-iingat ng droga kaya siya inaresto.

Dalawang  plastic sachets ng shabu na tinatayang tumitimbang ng 1.6 gramo at nagkakahalaga ng  ₱10,880 ang nakuha sa suspek.

Samantala,  alas-7 ng gabi nitong Biyernes ay nagkasa ang SDEU Makati ng buy-bust operation sa Coronado Street, Barangay Guadalupe Viejo, na nagresulta sa pagkakaaresto nina Marlon Dela Cruz,  alyas Allan,  at Riza Espiritu alyas Isang.

Nakuha sa kanila ang dalawang plastic sachets ng  shabu, P500 buy bust money at isang cellular phone.

Tinatayang nasa 10.5 gramo ang shabu at may Standard Drug Price (SDP) na  ₱71, 400 ang nakumpiska sa dalawang suspek.

Sa Muntinlupa City naman, dalawang tulak ng droga ang inaresto ng SDEU sa buy-bust operation sa Dama De Noche St.,  Sitio Sto. Niño, Brgy. Cupang bandang alas-11:50 ng gabi.

Kinilala ang mga suspek na sina  Merlita Monte alyas Merly, at Larito Rocaberte na kapwa residente sa Bgy.  Cupang, Muntinlupa City na nakuhanan ng tatlong transparent plastic sachets ng isang gramong shabu na may presyong P6,800, at ang  P200 buy-bust money.

Samantala, sa Makati, nagkasa ang  mga operatiba ng SDEU at SIS ng magkatuwang na buy-bust operation bandang alas-12:30 ng hapon sa No. 6025 Zamora Street, Barangay South Cembo, Makati City.

Sa kanilang operasyon, nadakip sina Joshua Renz Intia alyas Mabs, at  Jocelyn Gomez alyas Jocelyn, at nakuha sa mga suspek ang isang plastic sachet ng 6 na gramo ng shabu  na may standard drug price na  P40,800 at ang P500 bill buy-bust money.

Sa Taguig City naman, nagkasa ang Station Drug Enforcement Unit ng buy-bust operation, madaling araw ng Sabado sa  Magsalin St., Purok 6 Bgy. Calzada-Tipas, Taguig City at naaresto sina  Joel Reyes alyas Joel;  Jeremy Villanueva; at Hernan Gesulga na pawang taga-Taguig City.

Nakuha sa tatlong suspek ang 6 na plastic sachets ng nasa 9 na gramo ng shabu na may Standard DDB Value na P61,200; itim na coin purse at ang P200 buy-bust money.

Sa Taguig pa rin, bandang alas-6:30 ng umaga nang magkasa ang SDEU team ng panibagong buy bust operation sa #07 Dimaguila St., Bgy. Calzada Tipas, Taguig City na nagresulta sa pagkakaaresto kay Charlie Ordoveza alyas Bong.

Nakuha ng mga operatiba kay Bong ang 3 plastic sachets na may 6.5 gramo ng shabu  na may Standard DDB Value na P44, 200, at ang P200 buy-bust money.

Lahat ng arestadong mga suspek ay sasampahan ng mga kasong paglabag sa RA 9165 habang pansamantalang nakaditine sa mga detention facility ng nakahuling mga pulis;  samantalang ang mga ebidensya ay susuriin sa SPD Forensic Unit. Dave Baluyot