9 na bagyo posibleng pumasok sa PAR hanggang Disyembre – PAR

9 na bagyo posibleng pumasok sa PAR hanggang Disyembre – PAR

September 29, 2022 @ 5:04 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Posibleng umabot sa anim hanggang siyam na bagyo pa ang pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) bago matapos ang taon.

Ito ang sinabi ni PAGASA administrator Vicente Malano ngayong Huwebes, Setyembre 29 kasabay ng public briefing ng pamahalaan.

“Sa Oktubre meron tayong dalawa hanggang apat. Sa November meron po tayong dalawa hanggang tatlo. Sa December po meron tayong hanggang dalawa. Or anim hanggang siyam pa itong taong ito,” ani Malano.

Dagdag pa nito, kapansin-pansin na tumaas ang bilang ng mga super typhoon na pumasok sa bansa ngayong taon kumpara sa mga nagdaang taon.

Matatandaan na kamakailan ay binago ng PAGASA ang panuntunan sa pagtawag na super typhoon sa isang bagyo.

“Binago po natin ang ating sistema kasama natin yung ibang mga bansa na miyembro po ng World Meteorological Organization na magmula 185 kph ay atin na pong kinakategorya na super typhoon,” paliwanag niya.

Mula sa 220 kilometro kada oras na lakas ng hangin, ibinaba na sa 185 kilometro kada oras na lakas ng hangin na lamang ay pwede na itong tawagin na super typhoon.

Sa kasalukuyan, mayroon tatlong super typhoon na ang dumaan sa bansa, ang bagyong Henry, Josie at Karding ngunit isa lamang dito ang tumama sa lupa. RNT/JGC