9 na pagawaan ng mga pekeng shampoo, sabon sinalakay ng NBI

9 na pagawaan ng mga pekeng shampoo, sabon sinalakay ng NBI

November 7, 2022 @ 3:23 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Nasamsam ng Food and Drug Administration (FDA) sa Central Luzon, ang mga pekeng produkto partikular na ang mga sabon at shampoo na nagkakahalaga ng P300 milyon sa isinagawang pagsalakay sa siyam (9) na establisyimento sa Bulacan.

Katuwang ng FDA ay ang National Bureau of Investigation – NCR at Bulacan District Office sa naturang operasyon.

Ayon sa NBI, nagreklamo ang isang multinational company tungkol sa delikadong proseso ng paggawa at illegal na pagkopya ng kanilang produkto na ibinibenta sa ilang mga probinsya sa bansa.

Kabilang sa nasabing mga pekeng produkto ay ang bath soap, detergent soap, shampoo, dishwashing soap, at iba pa.

Iniaalok o ibinibenta umano ang nasabing mga produkto per kilo dahil sa mga nasirang packaging nang hindi nalalaman ng mga bumibili na peke ang mga ito.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9711, the FDA Act of 2009, at Republic Act 8293, o kilala bilang Intellectual Property Code of the Philippines ang mga manufacturer.

Pinayuhan naman ng FDA ang publiko na mag-ingat sa pagtangkilik sa mga pekeng produkto.

“Doon pa lang sa label ng produkto, hanapin po nila ang LTO na tinatawag, ‘yong License to Operate, or kung meron man pong Certificate of Product Notification o Registration,” sabi ni Gomel Gabuna, ang North Luzon Cluster Director of the FDA.

“Directive po ng aming new Director General Samuel Zacate na paigtingin ang information drive para ma-inform ang ating mga kababayan sa programa ng FDA,” dagdag pa niya. Jocelyn Tabangcura-Domenden