9 na tripulante nasagip sa nabutas na bangka

9 na tripulante nasagip sa nabutas na bangka

December 4, 2022 @ 3:52 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Siyam na tripulante kasama ang kapitan nito ang sinagip ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos lumubog ang kalahating bahagi ng bangka sa karagatan ng Zamboanga del Norte.

Base sa imbestigasyon, nakasalubong ng bangka ang masamang panahon at maalon na karagatan habang patungong Dipolog City mula Hasiman Tanjung, Jolo, Sulu dahilan para may matamaang matigas na bagay at masira ang bangka na gawa sa kahoy at pasukin ng tubig.

Kasunod nito, lumubog ang kalahating bahagi ng motorbanca sa baybayin ng Liloy, Zamboanga Del Norte.

Agad namang nakahingi ng saklolo sa PCG ang mga crew at natukoy ang kanilang lokasyon sa pagitan ng baybayin ng Liloy at Dipolog City, Zamboanga Del Norte.

Nakipag-ugnayan ang PCG sa MV Empress Amy na magsagawa ng SAR operation at nasagip ang lahat ng sakay ng motorbanca.

Hinila naman ang motorbanca patungo sa  Lamao Port.

Nasa maayos nang kalagayan ang siyam na tripulante matapos suriin ng mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO). Jocelyn Tabangcura-Domenden