9 pulis na sangkot sa pagpatay sa Calbayog mayor pinayagan mag-piyansa

9 pulis na sangkot sa pagpatay sa Calbayog mayor pinayagan mag-piyansa

March 10, 2023 @ 5:59 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Pinayagang makapagpiyansa ang siyam na pulis na akusado sa pagpatay kay Calbayog Mayor Ronaldo Aquino noong 2019 sa dahilan na ang pagpatay ay homicide at hindi murder.

Ang naturang desisyon ay tila naging sampal sa mukha sa pamilya ng biktima lalo pa’t dumating ito bago ang ikalawang anibersaryo ng pagpatay sa alkalde.

Marso 9 nang nasabing taon ay pinagbabaril si Aquino ng may 21 beses sa Barangay Lonoy at tinawag na tila isang ambush.

Kasama ng biktima ang anak na si Mark na tinawag na ang insidente ay posibleng may kinalaman sa politika.

Inilarawan naman ng pulisya ang insidente bilang isang shootout.

Sa kautusan, pinayagang makapagpiyansa ang siyam na pulis ng tig-P120,000 kapalit ng kalayaan, ayon sa resolusyon ni Calbayog City RTC Branch 31 judge Maricar Lucero.

“Napakasakit. Sobrang sakit ng nangyari sa amin. Nakaka-insulto at nakaka-galit,” ani Mark sa panayam ng TeleRadyo.

“Sa amin, para sa aming pamilya napakalaking insulto dahil kami ay nagluluksa habang ang akusado ay nagsasaya dahil pinayagan ng husgado,” dagdag niya.

Ani Atty. Alma Uy, legal counsel ng pamilya Aquino, naghain ng reklamong murder ang National Bureau of Investigation ayon sa rekomendasyon ng Department of Justice.

Sa kabila nito, sinabi ni Judge Lucero na dapat ay kasong homicide ang harapin ng mga pulis dahil gumanti si Aquino sa mga nagpaputok sa kanya.

“Yung ruling ng judge sabi niya na yung pag-fight back ni Mayor Aquino yun ang nag-mitigate ng treachery. Wala nang treachery dahil nakalaban siya, naka-fight back pero dinisregard niya na lumaban lang si Mayor Aquino dahil patay na yung driver niya, yung security niya wounded na tapos una silang pinaputukan,” ani Uy.

“Patay agad ang dalawa tapos siya na lang naiwan dun so yung pagpapaputok ni Mayor Aquino ay depensa na lang niya in desperation na ma-save ang sarili niya,” dagdag pa niya.

Sa pahayag ng Philippine National Police Public Information Office nang panahong iyon, sinabi na “the group of Mayor Aquino was alleged to have initiated the shootout when his close-in security fired at the unmarked vehicle of the IMEG-PDEU group that was traveling in the same direction along the road.”

Anang PNP, ang mga sangkot na tauhan sa barilan ay mula sa Integrity Monitoring and Enforcement Group, at Provincial Drug Enforcement Unit, na nagsasagawa ng Red Teaming inspection sa lugar.

Sinupalpal naman ni Samar 1st District Rep. Edgar Mary Sarmiento ang ulat ng pulisya at sinabing nakaabang na ang mga ito sa tulay bago pa dumating ang sasakyan ni Aquino sa Laboyao Bridge sa
Barangay Lonoy, Calbayog City bago ang shooting incident bandang 5:30 ng hapon.

“Nag-inhibit na yung judge kahapon lang, nagbitiw na siya so ngayon ibang judge na yung magru-rule ng motion for reconsideration and at the same time hindi pa makakalabas yung mga akusado, hindi pa magbi-bail,” ani Uy. RNT/JGC