9 tsugi sa magkakasunod na bagyo at Habagat – NDRRMC

9 tsugi sa magkakasunod na bagyo at Habagat – NDRRMC

July 28, 2018 @ 11:40 AM 5 years ago


Manila, Philippines – Siyam ang naitalang nasawi sa sunod-sunod na tatlong bagyong pumasok – Henry, Inday at Josie ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Pinalakas ng mga bagyong ito ang Southwest Monsoon (Habagat) na siyang nagpaulan at nanalasa sa ilang mga lugar nang ilang araw.

“As of yesterday, siyam ‘yung validated although may ongoing validation pa,” ayon kay NDRRMC Executive Director and Office of Civil Defense Administrator Undersecretary Ricardo Jalad sa isang interview sa radyo.

Sa report ng ahensiya ngayong araw, naitala ang mga pagkasawi sa mga lugar ng Rizal, Antique, Mt. Province, Malabon City, Pangasinan, Negros Occidental, Negros Oriental, at Caloocan City.

Pagkalunod dahil sa baha na dulot ng matinding pag-ulan ang pangunahing ikinamatay ng mga biktimang sina Ailyn Sison, 19; Luisa Pelew, 54; Angelito Jipulan, 43; Renier Mendoza, 32; Jan Darwin Relucio, 11; Jerwin Geul, 13; Andrew Agapito, 3; Rosalie Agapito; 6; Winlito Tercio, 15; Frauline Magwa, 29; at Brix Boticario, 17.

Dagdag pa ni Jalad, posible pang tumaas ang bilang na ito dahil hindi pa tapos ang validation ng Department of Health at ng Department of the Interior and Local Government.

“Kasi kailangan bago natin ilagay sa report na ang dulot ng pagkamatay ay related sa Habagat kailangan natin ng official  validation ng DOH at DILG… Kailangan masiguro kung ano ang cause ng pagkamatay,” aniya.

Samantala, ayon sa hepeng NDRRMC hanggang sa ngayon ay lubog pa rin sa baha ang ilang mga lugar sa Region III kabilang ang 30 barangay sa Bulacan, 15 barangay sa Nueva Ecija at 74 barangay sa Pampanga. (Remate News Team)