9 ulit tumba sa pandemya sa CAMANAVA

9 ulit tumba sa pandemya sa CAMANAVA

August 31, 2021 @ 10:13 AM 10 months ago


MANILA, Philippines – Siyam muli ang naitalang namatay dahil sa COVID-19 sa Caloocan-Malabon-Navotas-Valenzuela (CAMANAVA) area batay sa pinakahuling ulat ng mga health offices ng mga nasabing lungsod.

Anim na COVID patients ang binawian ng buhay sa lungsod ng Valenzuela nitong Agosto 30 at 1,488 ang active cases matapos na 76 ang mahawaaat at 220 ang gumaling.  Pumalo na sa 26,852 ang nasapul ng pandemya sa lungsod, at sa nasabing bilang ay 24,732 na ang gumaling at 632 na ang namamatay.

Dalawa naman ang iginupo ng pandemya sa Malabon City nito ring Agosto 30 at umakyat na sa 552 ang COVID death toll ng lungsod. Maliban dito, 91 ang nadagdag na confirmed cases at sa kabuuan ay 17,111 ang positive cases sa Malabon, 1,083 dito ang active cases.

Ang mga bagong kaso ay naitala sa Barangay Baritan (2), Catmon (22), Concepcion (1), Dampalit (4), Flores (2), Hulong Duhat (11), Ibaba (4), Longos (15), Muzon (4), Potrero (11), San Agustin (1), Tinajeros (1), Tonsuya (12), at Tugatog (1).

Sa kabilang banda, 152 pasyente ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling. Sila ay mula sa Barangay Baritan (7), Catmon (19), Flores (10), Hulong Duhat (30), Ibaba (7), Longos (22), Niugan (10), Potrero (26), San Agustin (6), Tinajeros (14), at Tugatog (1). Sa kabuuan ay nasa 15,537 ang recovered patients ng siyudad.

Nagkaroon ng pagbabago sa datos ng mga gumaling sa Barangay Dampalit at Muzon dahil muling nagkaroon ng COVID-19 ang dalawa sa mga ito. Mula 517 ay magiging 516 na lamang ang mga gumaling sa Barangay Dampalit, samantala, mula 270 ay magiging 269 na lamang ang mga gumaling sa Barangay Muzon.

Isang tinamaan naman ng COVID ang tuluyang natodas sa Navotas, habang umakyat sa 1,505 ang active cases sa lungsod makaraang 89 ang gumaling ngunit 117 naman ang magpositibo sa virus.  Sumampa na sa 14,426 ang nasapul ng pandemya sa fishing capital, at sa nasabing bilang ay 12,482 na ang gumaling at 439 na ang namatay.

Wala pang inilalabas na COVID-19 case update ang Caloocan City habang isinusulat ito. Merly Iral