90% sa 4Ps member mahirap pa rin – COA

90% sa 4Ps member mahirap pa rin – COA

October 13, 2022 @ 11:37 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Lumabas sa ulat ng Commission on Audit (COA) na nasa 90% sa benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang nananatiling nasa ilalim ng poverty line o mahirap pa rin.

Ito ay sa kabila ng nasa pitong taon na silang sinusuportahan ng programa.

Sa performance report ng COA sa naturang programa, 3,820,012 o 90% ng 4,262,439 active household-beneficiaries ay miyembro na ng 4Ps sa loob ng pito hanggang 13 taon na may kabuuan P537.39 bilyon cash grant ang naipamahagi mula Hunyo 30, 2021.

“This means that 90% of the active household-beneficiaries remained below poverty threshold even after being in the program for a long period of time,” anang ahensya.

Matatandaan sa pagdinig ng Senado nitong Miyerkules, Oktubre 12 sinabi ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo na may pangangailangan na repasuhin ang 4Ps law na pinirmahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“Maganda naman ang layunin pero mukhang hindi po talagang napag-aralan nang maayos, the way I look at it,” ani Tulfo.

Sa ilalim ng batas, binibigyan ng seven-year limit ang mga mahihirap na pamilya na manatili sa 4Ps program, na matatandaan nagsimula sa panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. RNT/JGC