900 patay sa malawakang baha sa Pakistan!

900 patay sa malawakang baha sa Pakistan!

August 25, 2022 @ 12:10 PM 1 month ago


PAKISTAN –  Matapos na makaranas ng matinding heatwave sa unang bahagi ng taong ito, isa namang malawakang pagbaha na itinuturing “catastrophe of epic scale” ang naitala sa bansang ito bunsod ng monsoon rains.

Umapela ang Climate Change Ministry ng Pakistan sa international community para sa tulong sa pagharap nila sa matinding pagbaha na kumitil na sa higit 900 indibidwal.

Ang taunang monsoon ay mahalaga para sa patubig ng mga pananim at muling pagdadagdag ng mga lawa at dam sa buong subcontinent ng India, ngunit bawat taon ay nagdudulot din ito ng mga pagkawasak.

Patuloy na bumuhos ang malakas na ulan sa Pakistan noong Miyerkules, kung saan iniulat ng mga awtoridad ang mahigit isang dosenang pagkamatay — kabilang ang 9 na bata — sa huling 24 na oras.

Pang-walo ang Pakistan sa listahan ng mga bansang itinuturing na pinaka-bulnerable sa matinding lagay ng panahon na dulot ng pagbabago ng klima, ayon sa Global Climate Risk Index na pinagsama-sama ng environmental NGO Germanwatch.

Sa unang bahagi ng taong ito, ang karamihan sa bansa ay nasa mahigpit na pagkakahawak ng isang heatwave, na may temperatura na pumalo sa 51 degrees Celsius sa Jacobabad, Sindh province. RNT