911 gawing centralized emergency hotline-eksperto

911 gawing centralized emergency hotline-eksperto

October 28, 2022 @ 8:53 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Isang grupo ng mga medikal na eksperto at emergency responder ang nanawagan na gawing centralized emergency hotline number ang 911 na tutugon sa lahat ng rehiyon sa bansa.

Kasabay ng World Restart a Heart Day, sinabi ng Philippine Heart Association (PHA), Philippine College of Emergency Medicine (PCEM), at Philippine Heart Rhythm Society (PHRS) na kailangan ng Pilipinas ng “high-functioning, nationwide centralized 911” upang mapabuti ang serbisyo ng pagtugon sa cardiopulmonary resuscitation (CPR).

“Hindi pa rin talaga siya na-centralized in essence. Nagkaroon ng 911 number pero hindi pa rin nawala ang dating existing number,” ani PCEM president Richard Henry Santos.

Hinimok din ng grupo ang mga mambabatas na ipasa ang Emergency Medical Services System (EMSS) Act at Automated External Defibrillator (AED) Act. Sinabi nila na ang pagpapatibay sa kahandaan ng EMS at CPR ng bansa ay napapanahon ngayon, kung isasaalang-alang na maraming tao ang naglalakbay.

Sinabi ni PHA Council on CPR chairperson Dr. Don Robespierre Reyes na nagsasagawa sila ng Basic Life Support (BLS) at Advanced Cardiac Life Support (ACLS) na pagsasanay sa hangaring magtatag ng CPR-Ready Philippines. RNT