96% ng kapulisan ng MPD bakunado na

96% ng kapulisan ng MPD bakunado na

July 14, 2021 @ 12:47 PM 1 year ago


Manila, Philippines – Bakunado na ang nasa 96 porsyento ng kabuuang bilang ng kapulisan sa Manila Police District  na nakatanggap ng second dose.

Ayon kay MPD Director Brig General Leo Francisco sa ginanap na media forum ng MPD, ang nalalabing porsyento na hindi pa nababakunahan ay dahil sa ilang mga rason.

Isa aniya sa rason ay ang health issues at ang iba naman ay namimili pa rin ng brand ng bakuna na itururok sa kanila.

Ipinagmalaki ni Francisco na ang MPD ang may pinakamaraming nakapagbakuna na sa hanay ng PNP sa buong NCR.

Nagpasalamat naman ito sa local government units  sa pamumuno ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso  dahil nabakunahan na ang maraming porsyento ng kanilang kapulisan na itinuturing din frontliners dahil nalalantad sila sa banta ng COVID-19.

Ibinalita rin ni Francisco na ngayon ang kanilang hanay ay “zero” infection na.

Wala rin aniyang naitatalang nasawi sa kanilang hanay dahil sa COVID-19 bagamat may mga  mangilan-ngilan naman na nakakaranas pa rin ng “adverse events” matapos mabakunahan na aniya ay karaniwang simtomas lamang ng mga nagpapabakuna. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)