98 naiulat na nasawi; 63 nawawala kay #PaengPh- NDRRMC

98 naiulat na nasawi; 63 nawawala kay #PaengPh- NDRRMC

October 31, 2022 @ 7:45 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Pumalo na sa 98 indibidwal ang naiulat na namatay dahil sa Tropical Storm Paeng (international name: Naegi) habang 63 naman ang nawawala.

“Yung casualty naman po ay tumaas, 98 na po ang reported dead sa amin and may 69 na injured and 63 na missing,” ani NDRRMC Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV.

Batay sa ulat nitong Lunes ng umaga, sinabi ng NDRRMC na 53 sa mga naiulat na nasawi ay mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, 19 sa Western Visayas, 12 sa Calabarzon, anim sa Eastern Visayas, apat sa Zamboanga, tatlo sa Soccsksargen, at isa sa Bicol.

Karamihan sa mga napaulat na casualties ay mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na may 40; sumunod ang  Region 6 o Western Visayas na may 18;  Calabarzon na may 12; Region 9 o Zamboanga Peninsula na may apat;  Region 12 o Soccsksargen na may tatlo; Region 8 o Eastern Visayas na may dalawa at Region 5 o Bicol na may isa.

May kabuuang 1,812,740 indibidwal o 575,728 pamilya sa 31,942 barangay sa 17 rehiyon ang apektado ni Paeng, na inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility ngayong Lunes.

Napinsala naman ang kabuuang 4,188 tahanan — 4,188 partially at 689 totally.

Sumampa sa P435,464,774.16 ang pinsala sa agrikultura, na naiulat sa Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Northern Mindanao, at Soccsksargen.

Samantala, ang pinsala sa imprastraktura ay nagkakahalaga ng P757,841,175 sa Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Northern Mindanao, at Davao.

Sinabi pa ni Alejandro na 1,014 insidente, karamihan ay pagbaha, ang naiulat sa kasagsagan ni Paeng. Paeng.

Idineklara naman sa 158 lungsod ang state of calamity

Base kay Alejandro, inirekomenda ng NDRRMC kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagdeklara ng nationwide State of Calamity dahil kay Paeng.

Naibigay na rin umano ang P32,300,178.11 tulong para sa Paeng victims, base sa NDRRMC. Kris Jose