98 unang COVID-19 Philippine variant naitala

98 unang COVID-19 Philippine variant naitala

March 14, 2021 @ 9:02 AM 1 year ago


Manila, Philippines – Naitala ang 98 unang kaso ng P.3 variant o bagong variant ng coronavirus disease (COVID-19) na nadiskubre sa Pilipinas.

Ito ay mula sa sample ng dalawang mutation ng virus sa Central Visayas at nakumpirmang bagong variant ayon sa berepikasyon ng isang global reporting system.

“Ang critical feature talaga ng pagde-develop ng variant ay ‘yung patuloy na pagkalat ng virus sa community. Isipin na lang siguro natin…isang pamilya, kunwari marami siyang anak at marami ding apo na nanggaling doon sa mga anak na ‘yun, eh talagang mas mabilis silang magpakalat ng kanilang lahi,” paliwanag ni Dr. Anna Ong-Lim ng DOH Technical Advisory Group.

“Habang nagpapakarami sila (virus) dahil kumalat at kumalat sa iba’t ibang tao, eh nagkakaroon ng opportunity na magkaroon siya ng variation, ng pagbabago na eventually siya ring naipapasa doon sa…mga kalahi [ng pasyente],” saad pa nito.

Nagtala rin ang Japan ng isang kaso ng P.3 variant mula sa isang biyahero mula Pilipinas.

“Simula pa po ng taon na ito, bago magtapos ang 2020, nagmo-monitor na ang ating health authorities, ang DOH at Philippine Genome Center. Patuloy nating sinusundan itong pagtaas na ito at pagdetermina ng mga variant na nakapasok,” lahad ni NTF Spokesperson Restituto Padilla.

Iginiit naman ni infectious disease expert na si Rontgene Solante na hindi pa rin maiuugnay ang bagong variant sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

“The most important question is, is this variant behaving as that with the South African, the UK variant or even the Brazilian because these 3 variants are really notorious in their character that it can increase transmissibility,” aniya.

Samantala, hindi pa tukoy kung mas nakahahawa o mas Malala ang dulot ng P.3 variant.

Nadiskubre rin ang unang kaso sa bansa ng lineage ng P.1 variant na unang natuklasan sa Brazil.

Naiulat ito mula sa isang balikbayan sa Central Visayas na mula sa Brazil.

“‘Yung tinutukoy nating Brazilian variant na medyo napabalitang merong mas mataas na tiyansa na makapaghawa, higher transmissibility, is not the same as ‘yung tinatawag na Brazilian lineage, which is the one that we identified. So, they’re not exactly the same. Magkatunog po ‘yung pangalan pero hindi po sila magkatulad. What we have is isolatedin the Brazilian lineage, but not the Brazilian variant,” ani Ong-Lim.

Nakapagtala rin ng 59 bagong kaso ng UK variant kaya’t 177 na ito sa kabuuan.

Mayroon namang 32 kaso sa South African variant dahilan upang maging 90 na ito.

Lahad pa ni Ong-Lim na may posibilidad na magtala hanggang 6,000 kada araw ng sakit sa bansa ayon sa forecast ng OCTA Research group.

“Unfortunately, mukhang ‘yung kanilang modeling ay nagkakatotoo kasi nga nakikita natin eh. Actually, mula pa noong February, pataas na nang pataas ‘yung mga kaso,” aniya. RNT/ELM