99.95% final VCM sealing natapos na ng mga presinto – Comelec

99.95% final VCM sealing natapos na ng mga presinto – Comelec

May 9, 2022 @ 8:24 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – May kabuuang 106,125 sa 106,174 o 99.95% ng clustered precincts ang natapos na sa final testing at sealing ng vote counting machines (VCMs) na gagamitin para sa 2022 elections, sinabi ng Commission on Elections (Comelec) nitong Lunes.

Sa press conference sa araw ng halalan bago magbukas ang mga presinto, sinabi ni Comelec acting spokesperson Atty. John Rex Laudiangco, 49 na presinto ang hindi pa nagsusumite ng mga ulat.

Sa nasabing bilang, 47 ang mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Aniya may mga presinto sa Socorro, Oriental Mindoro at Silvino Lobos, Northern Samar na hindi rin nakatapos ng final testing at sealing ng mga VCM noong Linggo ng gabi dahil sa kakulangan ng test ballots..

Sa halip na karaniwang 10 test ballots, sinabi ni Laudiangco na ang mga lugar na ito ay gagamit ng tatlong balota, na inaprubahan ng poll body.

“The rest of the regions from the NCR, CAR, Regions 1, 2, 3, 4A, 5, 6, 7, 9, 10, 11, 12 ,13 are 100% all have undergone FTS. All systems go, our electoral boards are in place, we already have the ballots,” sabi ni Laudiangco

Samantala, sinabi ni Laudiangco na isang VCM sa Cotabato City ay nagkaroon ng bahagyang problema ngunit tuloy pa rin aniya ang botohan sa lugar

Noong Huwebes, sinabi ni Cotabato City Mayor Frances Cynthia Guiani-Sayadi na nagprotesta ang mga guro nang tanggalin ang kanilang mga pangalan sa listahan ng mga miyembro ng electoral board at pinalitan ng iba pang mga educator na hindi sumailalim sa pagsasanay para sa trabaho sa halalan.

Iginiit niya na ang opisina ng Ministry of Basic, Higher, and Technical Education ng BARMM ang unang pinalitan ang superintendente bago tinanggal ang mga guro, at ang ministeryo umano ang nagdidikta sa opisyal ng halalan sa paggawa ng listahan ng mga miyembro ng electoral board.

Nang tanungin kung bakit tumangging magsilbi ang mga guro, sinabi ni Laudiangco na dahil sa kalituan , dahil sa gulo at pakiramdam ng iba ay
hindi sila ligtas.

Aniya, nadagdagan ang mga pwersang panseguridad sa lugar dahil dito, kung saan ang militar ay naghatid pa ng isang buong batalyon sa lugar. Jocelyn Tabangcura-Domenden