99 barangay sa Pasay ‘drug-free’ na

99 barangay sa Pasay ‘drug-free’ na

February 21, 2023 @ 12:06 PM 1 month ago


PASAY – May halong galak na ipinagmalaki ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang positibong resulta ng intensibong kampanya ng lokal na pamahalaan upang puksain at labanan ang paglaganap ng ilegal na droga sa lahat ng barangay sa lungsod.

Makaraan ang pagsasagawa ng regular na flag raising ceremony sa Pasay City Hall quadrangle nitong Pebrero 20 ay kinilala ni Calixto-Rubiano ang tatlong barangay at mga punong barangay nito dahil sa natatanging ambag sa pagsugpo sa ilegal na droga sa kani-kanilang mga lugar.

Base sa rekomendasyon mula sa City Anti-Drug Abuse Council (CADAC) na pinamumunuan ni Calixto-Rubiano ay pinagkalooban ng pagkilala sina Punong Barangay Kap. Noel Mariano ng Brgy. 134; Kap. Antonio Donaire, Brgy. 20; at Kap. Robert Cruz ng Brgy. 164 bilang mga “Drug Cleared Barangays” sa lungsod.

Sinabi ni Calixto-Rubiano na mula noong May 19, 2018 hanggang nitong nakaraang Disyembre 14, 2022 ay umabot na sa 99 barangay ang idineklarang “drug-free” ng lokal na pamahalaan alinsunod sa maingat na balidasyon ng Regional Oversight Committee for Barangay Drug Clearing (ROCBDC) Program.

“Let me take this opportunity to recognize and congratulate our new ‘barangay role models’ — ang Barangay 20, Bgy. 134, and Bgy. 164 — mga barangay na pinaka-bagong na declare na drug free barangays ng ating CADAC. Congratulations ho sa mga barangay at sana po maging ehemplo kayo para sa ating mga natitirang barangay na hindi pa cleared by CADAC,” ani Calixto-Rubiano.

Pinasalamatan din ni Calixto-Rubiano ang mga tauhan na bumubuo ng CADAC dahil sa masinop at pursigidong pagpapatupad ng kaayusan at pagsawata sa mga illegal drug activities sa komunidad.

Kasabay nito ay pinuri naman ni Calixto-Rubiano ang Pasay City police na pinamumunuan ni Chief of Police Col. Froilan Uy gayundin ang mga barangay officials pati na rin ang lahat ng mamamayan ng Pasay na tulong-tulong sa pag-aambag ng lakas at dedikasyon para puksain ang iligal na droga sa siyudad.

“Lahat ho ito — ang drug clearing at lahat ng magandang nangyayari sa ating siyudad, ay bunga ng ating pagtutulungan bilang mga kapamilya dito sa Pasay. Bilang mga Ka-Pasay. Hindi ho namin ito magagawa kung wala ang tulong ng bawat Pasayenyo,” ani pa Calixto-Rubiano.

Sa panig naman ng CADAC, kanila na ring inaayos ang balidasyon sa ilan pang barangay na unti-unti nang napupuksa ang problema sa iligal na droga sa kani-kanilang mga lugar na nasasakupan.

Napag-alaman din sa CADAC na ang programang ROCBDC ay binubuo ng iba’t-ibang ahensya ng gobyerno tulad ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine National Philippine National Police (PNP) at ng Pasay City LGU. (James I. Catapusan)