ABALA SA “NO VACCINE, NO RIDE” POLICY

ABALA SA “NO VACCINE, NO RIDE” POLICY

January 24, 2022 @ 6:07 AM 9 months ago


PABAGO-bago pa rin ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 cases sa bansa.

Kamakailan nga lamang at nakapagtala ang Department of Health ng mahigit 22,000 na bagong kaso.

Palagiang nagbibigay ng babala at paalala ang OCTA Research Group na maaaring tumaas pa ito sa mga susunod na araw.

Sa kabila nito, kahit maraming dinadapuan ng impeksiyon araw-araw, nasa Alert Level 3 pa rin ang National Capital Region.

Hindi raw kasi makabubuti kung itataas pa sa Alert Level 4 dahil masasapol nito ang ating ekonomiya at maraming negosyante ang umaaray.

Mismong ang World Health Organization ay nagsabi na hindi ito pabor sa mas mataas pang alerto.

Madalas inaanunsyo ni Pangulong Duterte na kapag tumaas ang kaso, hihigpitan ang galaw ng mga hindi bakunado.

Humantong pa nga sa puntong iniutos ng punong ehekutibo na hulihin ang mga gumagalang indibidwal na hindi pa bakunado lalo na sa Metro Manila. Nasa sentro kasi ng outbreak ang rehiyon.

Kaya naman, para mapigilan ang unvaccinated persons na makagala pa, naglabas na ng isang kautusan ang Department of Transportation ukol dito.

Simula nitong Enero 17, hindi na pinapayagang makasakay sa lahat ng pampublikong transportasyon ang mga hindi bakunado.

Saklaw ng direktiba ang mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 3, mapa-sasakyang panlupa, panghimpapawid at pandagat.

Sa ilalim ng kautusan, inaatasan ang attached agencies at sectoral offices ng DOTr na ipatupad ng mga operator ng public transportations ang ‘no vaccine, no ride’ policy.

Para makabiyahe, kailangang magpakita ng LGU-vaccine card ang mga pasahero.

Ang mga may kondisyon na hindi puwedeng bakunahan ay kailangang magpakita ng medical certificate mula sa kanilang doktor na nagsasaad na exempted sila rito.

Ang masaklap, sa unang araw ng implementasyon, maski ang mga awtoridad ay tila nahihilo at hindi alam ang gagawin

Maraming pinauwi, kahit ang essential workers, mga kaawa-awang manggagawa na kailangang maghanap-buhay.

May isang manggagawa pa nga na napaiyak nang pauwiin siya dahil naka-first dose pa lang siya ng bakuna.

Sana naman ay hindi na maulit ang mga nangyaring kalituhan at pag aralan muna nang mabuti ng ating pamahalaan kung sino o hanggang saan ang malinaw na sakop ng mga polisiya upang hindi napeperwisyo ang ating mga kababayan.

                      —000—000—000—

Para sa inyong mga komento o sumbong, maaari po kayong tumawag o mag text sa ating 1-Ang Edukasyon Party-list Hotline: 0927.930.25.81 at makaka asa po kayo sa agarang tugon ng inyong mga mensahe.