Abalos: 17 kaso ikinasa vs suspek sa Degamo slay

Abalos: 17 kaso ikinasa vs suspek sa Degamo slay

March 14, 2023 @ 7:26 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Naghain na ng murder at iba pang mga kaso laban sa mga suspek sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Ragay Degamo, base kay Interior Secretary Benjamin Abalos nitong Lunes.

Sa press briefing, inihayag ni Abalos na bukod sa walong murder charges, naghain din ang mga awtoridad ng anim na kaso ng frustrated murder, isang kaso ng illegal possession of firearms, at dalawang kaso ng illegal possession of explosives laban sa mga suspek.

Sinabi rin ni Abalos na 13 pang kaso ang inaasahang ikakasa: isang murder case, siyam na frustrated murder cases, at tatlong attempted murder cases.

Siyam ang napatay habang 15 ang nasugatan, dagdag niya.

Binaril si Degamo sa loob ng kanyang residential compound sa Brgy. San Isidro sa Pamplona, Negros Oriental noong March 4.

Inihayag ng Philippine National Police nakikipag-usap si Degamo sa ilang constituents niya nang nasa 10 armadong kalalakihan ang pumasom sa kanyang compound at nagpaulan ng bala. Nakasuot ang gunmen ng military uniforms at bulletproof vests, at may dalang long firearms.

Base kay Abalos, dalawang security personnel umano’y dapat na naka-duty sa araw na napatay si Degamo, subalit isa sa kanila ang na-late.

“‘Yung isa (security), nandoon in the scene. ‘Yung isa, came in late, pero ine-imbestigahan pa ‘yan. ‘Yung sa AFP (Armed Forces of the Philippines), we also have it here pero hindi ko na muna sasabihin until I get the official report from the AFP,” dagdag niya. RNT/SA