Abalos bukas makipagdayalogo kay Cebu Mayor Rama

Abalos bukas makipagdayalogo kay Cebu Mayor Rama

September 2, 2022 @ 4:42 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Bukas si Interior Secretary Benjamin Abalos Jr.  na magkaroon ng dayalogo kay  Cebu City Mayor Michael Rama kaugnay ng  sinasabing “miscommunication” ukol sa naging kautusan ng huli na gawing boluntaryo ang pagsusuot ng face mask sa nasabing lungsod.

“There seems to be a miscommunication as to what Mayor Rama and I discussed regarding the issue. I respect the statement of Mayor Rama, and I fully intend to keep communication lines open to give him the opportunity to explain his position and basis behind the enactment of the city-wide order,” ang pahayag ni Abalos sa isang kalatas.

Ani Abalos, kabilang sa kanyang  commitment  ang ipanukala na gawing pilot city ang  Cebu City upang makatulong na ia-assess  ang pagbawi sa  masking protocols sa  outdoor areas at wide open spaces  sa  Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF).

“Ang DILG ay mananatiling kaisa ng bawat sektor, lalung-lalo na ng mga lokal na pamahalaan sa bansa, sa pagprotekta sa kalusugan ng mamamayan at masiguro ang ating unti-unting pagbangon mula sa pandemyang dulot ng Covid-19,” dagdag na pahayag nito.

Araw ng Huweebs, sinabi ni Abalos na napapayag niya si Rama   na ipagpaliban ang implementasyon ng  Executive Order No. 5  na naglalayong gawing opsyonal ang pagsusuot ng face masks sa lahat ng lugar sa Cebu City.

Itinanggi naman ni Rama ang pahayag na ito ni Abalos, pinanindigan ang posisyon na ipatupad ang EO.

Muling inulit naman ni Abalos  na ang bansa ay nasa  state of national health emergency at makailang ulit aniyang  nanawagan si Pangulong Ferdinand  Marcos Jr. sa publiko na maging bigilante at proactive sa pagsunod sa  health protocols para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Binigyang diin ni Abalos ang kahalagahan ng pagtutugma ng umiiral na batas at polisiya  kung saan mapakikinabangan ng publiko ang implementasyon.

Umapela naman si Abalos sa lahat ng local chief executives na huwag munang ikasa ang anumang posibleng aksyon sa usapin hangga’t hindi pa niya ito naidudulog sa IATF kung saan hiniling niya na mag-convene upang talakaying mabuti ang isyu. Kris Jose