Abalos nag-sorry sa ‘surprise visits’ ng mga pulis sa bahay ng ilang mamahayag

Abalos nag-sorry sa ‘surprise visits’ ng mga pulis sa bahay ng ilang mamahayag

October 17, 2022 @ 8:24 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Humingi ng paumanhin si Interior Secretary Benhur Abalos kasunod ng kontrobersyal na pagbisita ng mga pulis sa bahay ng ilang mamamahayag sa Kalakhang Maynila kamakailan upang alamin kung mayroong silang natatanggap na banta sa buhay.

Ang hakbang ng kalihim ay kasunod ng paghingi rin ng paumanhin ng Eastern Police District (EPD) matapos pumalag ang mga mamamahayag na binisita ng mga pulis ang kani-kanilang bahay na malinaw na  paglabag sa kanilang privacy.

Dahil dito, ipinag-utos ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief PBGen. Jonnel Estomo  sa kanyang mga tauhan na itigil na ang mga unannounced visits.

“Sabi ko nga kila General (Estomo), the intention is good. However, the effect was not good,” ayon kay Abalos.

“While the move is coming from good faith… it created panic. If it created panic, pasensya na. Hindi na mauulit ito,” sabi ni Abalos sa isang panayam nitong Linggo sabay sabing “Pasensya na po kung nagkaroon ng undue fear sa baba.”

Nauna namang humingi ng paumanhin si Estomo sa mga media na binisita ng mga pulis sa kani-kanilang bahay lalo na iyong mga nakatanggap ng pagbabanta.

Naniniwala si Abalos na nais lamang ng NCRPO na paigtingin ng kapulisan ang pagbabantay sa mga miyembro ng media kasunod ng nangyaring pagpaslang sa  radio broadcaster  na si Percy Lapid sa Las Piñas City.

Inamin ni Abalos na wala siyang alam sa nasabing direktiba.

“Sabihin natin naging over eager to show people that they are really protecting journalists,” anito.

Kinilala naman ni Abalos ang pagkabahala ng media sa kung paano nalaman ng mga pulis ang kanilang mga address at ang pagsusuot ng mga pulis ng sibilyan nang bumisita sa kanilang bahay.

“Yung effect kasi hindi nila alam. Once bisitahin ka sa bahay baka iba yung dating eh. Unang una police ba talaga ito or nagpapanggap lang?” wika ni Abalos.

Ani Abalos, kaagad siyang magpapatawag ng miting  kasama ang mga mamahayag para makapagpalabas ng mas maayos na procedures gaya ng paglikha ng hotline at pag- track down ng  online threats.

Sa ulat, Kabilang ang bahay ni ABS-CBN reporter Adrian Ayalin sa binisita ng mga pulis sa Marikina.

Naiulat na nagkataon na wala si Ayalin sa kanila nang magtungo ang mga pulis sa bahay nito.

Aniya, hinahanap siya ng mga pulis at hinihingi rin ang contact details nito.

“Okay naman ‘yung pagbisita ng mga pulis kasi part naman talaga ng trabaho nila ‘yun na protektahan hindi lang ang media pero kung hindi lahat ng mamamayan,” lahad nni Ayalin.

“Yung nakakabahala lang kasi biglaan… ‘Yung mga pamilya natin sa bahay natin, nag-aalala sila kapag may pulis na dumating,” dagdag pa nito.

Hindi rin sa nakaligtas si commentator David Oro sa kahalintulad na insidente.

Sinabi ni Oro, dalawang beses na pinuntahan ang kanyang bahay. Una ay pawang naka-uniporme ang mga pulis at ang ikalawa ay naka-sibilyan na ang mga ito.

“Yung bagay na ‘yun ay ina-appreciate ko pero para sa akin medyo nagulantang ako, nagulat ako. After 2 days lamang ay may pumunta na naman sa akin na hindi naka-uniform na 2 pulis at ang dala-dala ay hindi rin marked vehicle,” banggit ni Oro.

“Ang hindi maganda doon, hindi man lang nag-iwan ng pangalan o contact number man lang para sana ay makatawag ako,” reaksyon pa ni Oro.

Dismayado rin si GMA reporter JP Soriano nang bisitahin din siya ng isang nagpakilalang pulis sa bahay nito sa Marikina nitong Sabado.

“Tinanong kung puwede akong kuhanan ng picture for documentation and I politely declines. Linawin ko lang po na hindi ang intensyong tulungan at proteksyunan kami ng PNP ang naging issue for me… pero, bakit po sa bahay namin? Paano at saan nila nalaman ang aming home address at bakit ako kailangan kuhanan?” anito,

“Isa po itong malinaw na paglabag sa Privacy Act,” pahabol pa ni Soriano.

Dahil dito, pinaplano ni Abalos na makipagpulong sa mga media organization lalo na sa National  Press Club (NPC) at sa kanilang kumpanya upang hindi na maulit ang insidente. Kris Jose