Abalos: Pag-decriminalize sa paggamit ng illegal drugs, ‘di epektibo vs anti-illegal drug campaign

Abalos: Pag-decriminalize sa paggamit ng illegal drugs, ‘di epektibo vs anti-illegal drug campaign

December 15, 2022 @ 3:24 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Sinalungat ni Interior Secretary Benhur Abalos Jr. ang panukalang i-decriminalize ang paggamit ng illegal na droga.

Ang katuwiran ni Abalos, hindi ito makatutulong sa kampanya ng gobyerno laban sa illegal na droga.

Ang pahayag na ito ni Abalos ay tugon sa naging panukala ni Senador Ronald Bato dela Rosa na tanggalin na ang parusang kulong at gawing legal ang paggamit ng  illegal drugs.

Ang panukala ay nakapaloob sa Senate Bill no 202 na inihain ni dela Rosa na layong amyendahan ang Comprehensive Dangerous Drugs law na sinimulan nang talakayin sa Senado.

Sa kabilang dako, aminado si dela Rosa na nagdadalawang isip siya ngayon dahil sa mahigpit na pagtutol ng publiko at ng  law enforcers.

Pahayag din ito ni Abalos para tugunan ang problema ng drug addiction bilang health issue– ideya na suportado naman ni Senator Robin Padilla.

“With due respect, ang gera na nakikita ko ngayon, hindi makakatulong sa laban namin at hindi makakatulong sa mga bata, dahil nagsisimula yan nang maliliit. Pangalawa, magkakaroon ng technicality yan ikakalat lang nila nang maliliit sa iba-iba,” ang wika ni Abalos.

“Sana ‘wag na lang. Ako kung itim, itim. Kung puti, puti, kung bawal, bawal at para sa akin bawal lahat ‘to. Hulihin na lang natin,” dagdag na pahayag ni Abalos.

Samantala, nangako naman si Abalos na lilinisin ang law enforcement units sa gitna ng sinasabing pagbabalik ng ninja cops na di umano’y bahagi ng drug syndicates na binanggit ni Dela Rosa kamakailan.

“Matagal na tong mga taong ito na nasa loob maski kanino pang panahon ito. Ang sa akin lang, mangangako ako sa inyo…lilinisin ko ito. Pangako ko po ito,” ayon kay Abalos.

“Yun lang hinihiling ko sa inyo tulungan niyo ang PNP dito. Tulungan niyo kami rito dahil iba ang hakbangin dito sa mga susunod na araw may gagawin po kami rito. Isa lang patunay namin dito yung ginawa namin sa PDEA ng Philippine National Police,” dagdag na pahayag ni Abalos.

Tiniyak ni Abalos na ang DILG ay “on top of this” situation at magpapalabas sila ng evidence-based information na may kinalaman sa problemang ito. Kris Jose