Abalos: Pananambang sa Maguindanao del Sur town mayor, imbestigahan

Abalos: Pananambang sa Maguindanao del Sur town mayor, imbestigahan

February 25, 2023 @ 4:09 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Ipinag-utos ni Interior Secretary Benhur Abalos sa kapulisan ang  masusing imbestigasyon sa nangyaring pananambang ng dalawang armadong kalalakihan kay Datu Montawal, Maguindanao del Sur Mayor Ohto Montawal sa service road ng Roxas Boulevard sa Pasay City, araw ng Miyerkules, Pebrero 22.

“Masusi ko ngayong pinaiimbestigahan sa pulisya ang naganap na pananambang kay Mayor Ohto Montawal ng Tunggol, Datu Montawal, Maguindanao del Sur, sa Lungsod ng Pasay nitong Miyerkules, Pebrero 22, ilang araw lamang matapos ang pagpaslang sa isa pang opisyal,” ayon kay Abalos sa isang kalatas.

“Sa kabutihang-palad ay nadala agad sa ospital si Mayor Montawal at siya ngayon ay nasa maayos na kalagayan. Hangad natin na agarang manumbalik ang lakas ni Mayor Montawal upang makuhanan siya ng pahayag tungkol sa nangyaring insidente,” dagdag na wika nito.

Sa ulat, sinasabing kagagaling pa lamang sa dinaluhang League of Municipalities of the Philippines (LMP) 2023 General Assembly sa Manila Hotel ng biktimang si Ohto Montwal Caumbo, Mayor ng Datu Montawal (dating Pagagawan), Maguindanao del sur at residente ng Tunggol Datu Montawal, Maguindanao del sur nang mangyari ang insidente.

Nagtamo ng tama ng bala sa braso at balakang ang biktima na isinugod sa Ospital ng Maynila, at kinalaunan ay inilipat sa Asian Hospital sa Muntinlupa City.

Dahil dito, sinabi ni Abalos  na nakatuon ang pansin ng   Philippine National Police Station Special Investigation Team (SSIT) “Montawal” sa  operasyon ng pagtugis sa mga suspek.

Idinagdag pa nito na may ilang testigo na ang lumutang upang ihayag sa mga awtoridad ang kanilang nasaksihan.

“Inatasan ko rin ang PNP na mahigpit na bantayan at dagdagan ang seguridad para kay Mayor upang siguruhin ang kanyang kaligtasan mula sa anumang pagtatangka sa kanyang buhay,” ani Abalos.

Ang pag-ambush kay Montawal ay ikatlong insidente na ng pananambang sa mga lokal na opisyal ngayong Pebrero.

Noong Pebrero 17, tinambangan ang convoy ni Lanao del Sur Governor Mamintal Alonto Adiong Jr. sa Bukidnon. Nakaligtas ang gobernador pero nasawi ang apat niyang kasama.

Noong Pebrero 19, tinambangan at nasawi si Aparri, Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda, at limang iba pa sa Bagabag, Nueva Vizcaya. Kris Jose