Abalos sa PNP: Polisiya sa pag-iisyu ng armas, lisensya rebisahin

Abalos sa PNP: Polisiya sa pag-iisyu ng armas, lisensya rebisahin

February 21, 2023 @ 2:24 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Ipinag-utos ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. sa  Philippine National Police (PNP) na rebisahing mabuti ang polisiya at proseso sa pag-iisyu o pagpapalabas ng armas o baril at lisensiya na bitbitin ito sa labas ng kanilang tirahan.

Ang kautusan ni Abalos ay matapos ang insidente ng pananambang sa  sinasakyang van sa Bagabag, Nueva Vizcaya nitong umaga ng Linggo lulan ang mga namatay matapos tambangan  na sina Aparri, Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda at kanyang kasama na sina John Duane Alameda, Abraham Ramos Jr., Ismael Nanay, Alexander delos Angeles at Alvin Abel.

Ayon sa imbestigasyon, binabaybay ng van ang highway sa Barangay Baretbet nang huminto matapos harangin ng mga salarin ang kalsada gamit ang barikada ng isang eskwelahan. Nagpanggap na mga police officers, ginamit  ang barikada ng eskuwelahan, nag-checkpoint sa mga biktima at pagdating sa sasakyan ni Vice [Mayor Alameda] ay inambush na ang mga ito.

Dahil dito, hiniling ni Abalos sa PNP na paigtingin ang kanilang  ‘Oplan Katok’ o bisitahin ang mga bahay ng mga firearms holders para isuko ng mga ito ng kanilang mga baril na  unregistered o expired licenses.

“Magsasagawa rin ng mas madalas na pagpapatrolya sa mga lansangan upang magdalawang-isip ang mga masasamang-loob na isakatuparan ang kanilang masamang balak ,”  ayon kay Abalos  sa isang kalatas.

Ipinag-utos din ni Abalos sa PNP na palakasin ang pagsugpo nito laban sa illegal na pagbebenta ng police uniforms.

Kailangan aniyang tiyakin ng  PNP  na tanging ang mga accredited suppliers lamang ang papayagan na magbenta at tanging ang mga lehitimong  police officers lamang ang gagamit ng nasabing items.

“Ipinapaabot po namin ang aming pakikiramay sa naulilang pamilya ni Vice Mayor Alameda at ng kanyang mga kasama. Makakaasa ang mga kaanak at pamilya ng mga biktima na tututukan ng kapulisan ang kaso at gagawin ang lahat para manaig ang hustisya,” ang wika pa rin ni Abalos.

Samantala, kasalukuyan namang nagsasagawa ng malawakang imbestigasyon ang isang special investigation task force ng  Police Regional Office 2 (Cagayan Valley)  upang makilala at kagyat na maaresto ang mga salarin ng krimen.

“The DILG stands firm that it will continue to protect the Filipino people towards a more peaceful and safer Philippines. We must not let violence prevail. Let’s work together for the sake of our country’s peace,” ayon kay  Abalos. Kris Jose