ABC prexy, kasama arestado sa P680K shabu

ABC prexy, kasama arestado sa P680K shabu

March 17, 2022 @ 12:28 PM 3 months ago


LEYTE- ARESTADO ang isang punong barangay at pangulo ng Association of Barangay Chairpersons (ABC) at kasama nito matapos mahulihan ng iligal na droga sa isinagawang drug buy bust operation ng Philippine National Police (PNP) and Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Miyerkoles sa bayan ng Matalom.

Kinilala ang nadakip na si Rogelio Daño alias “Elmer”, 57, at Cesario Daño Lambujon, 35, kapwa residenteng Barangay Sta. Fe, Matalom Leyte.

Batay sa report ng Bato Municipal Police Station, dakong 7:15 PM nadakip ang mga suspek sa kahabaan ng baywalk sa Brgy. Kalanggaman, Bato Leyte.

Ayon sa pulisya nakatanggap sila ng report hinggil sa pagbebenta umano ng shabu ng mga suspek at sinubukan nilang bumili kina Daño .

Nakuha sa mga suspek ang 3 pirasong transparent plastic sachetsna naglalaman ng hinihinalang shabu na may bigat na 100 gram at nagkakahalaga ng P680,000; puting envelope na may laman na P15,000; buy-bust money, black digital weighing scale at kulay puting Toyota Fortuner na may plate number HAA 5717.

Si Daño ay tinaguriang High Valued Individual at isa sa pinaka-malaking supplier ng shabu sa 5th District, Leyte hanggang sa iba pang bahaging lugar sa Southern Leyte.

Kasalukuyan nasa kustodiya ng PDEA-8 ang mga suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 and 11 of Article II of the Republic Act 9165 or the Comprehensive Law Against Illegal Drugs of 2002./Mary Anne Sapico