ABC prexy patay sa riding-in-tandem

ABC prexy patay sa riding-in-tandem

July 8, 2022 @ 12:12 PM 1 month ago


ROXAS CITY – Patay ang isang barangay chairman at president ng Association of Barangay Captains (ABC) matapos tambangan at pagbabarilin ng hindi pa kilalang riding in tandem suspects Huwebes ng hapon sa bayang ito.

Kinilala ang biktimang si PB Frederick “Dikoy” Dullano, at residente ng Barangay Tabuc, Pontevedra Capiz.

Batay sa report ng Pontevedra Municipal Police Station, bandang alas-4 ng hapon naganap ang krimen sa labas ng barangay sa nasabing lugar.

Base sa kuha sa CCTV sa lugar katatapos lamang ng pagdinig sa barangay hall at lumabas na ang biktima kasama ang dalawang barangay kagawad na sina Daniel Belvis at Romeo Biclar.

Naunang umalis sina Belvis at Biclar sakay ng motorsiklo habang sakto naman pag-akyat sa kanyang kulay itim na Montero ng biktima pinagbabaril ito ng mga suspek.

Sa kabila ng tinamong sugat nagawa pang makapagmaneho ng biktima pauwi sa kanilang bahay para humingi ng tulong.

Pero sinundan pa rin ito ng suspek at pagdating sa Crossing ng Isagani Rizal Street Barangay Poblacion Ilaya Pontevedra Capiz ay pinagbabaril ng mga suspek ang biktima sa iba’t ibang parte ng katawan.

Matapos ang pamamaril mabilis na tumakas ang mga suspek sa direksyon ng Bailan sakay ng motorsiklo.

Dinala naman sa ospital ang biktima subalit dineklara na rin itong patay ng umatending doktor.

Sa pagresponde ng mga pulis sa pinangyarihan ng krimen nakapulot sila ng mga basyo ng .45 kalibre na baril at magazine.

Ayon sa pulisya, mayroon na silang person of interest base sa hawak nilang CCTV footage.

Nabatid, bago ang krimen nagkaroon umano ng riot sa nasabing lugar. Mary Anne Sapico