Abogado itinalaga  ni PBBM na bagong PCC commissioner

Abogado itinalaga  ni PBBM na bagong PCC commissioner

March 2, 2023 @ 6:24 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Itinalaga ni Pangulong  Ferdinand R. Marcos Jr. si Atty.  Ferdinand Negre bilang bagong  commissioner ng  Philippine Competition Commission (PCC).

Itinalaga ng Pangulo si  Negre noong Pebrero 27, base sa listahan ng mga  bagong  presidential appointees na ipinalabas ng Presidential Communications Office (PCO), araw ng Huwebes.

Sa ilalim ng Republic Act (RA) 10677 o Philippine Competition Act (PCA), ang PCC ay dapat binubuo ng chairperson at apat na commissioners.

Ang chairperson ay mayroong  rank o ranggo na katumbas ng Cabinet secretary habang ang mga  commissioners naman ay  undersecretary.

Itatalaga ang mga ito ng Pangulo para sa termino na pitong taon na walang reappointment.

Ang  PCC ay isang  independent quasi-judicial body na may mandato na magpatupad ng national competition policy at ipatupad ang  PCA na magsisilbi bilang primary law sa Pilipinas para sa pagpo-promote at pagprotekta sa market competition.

Samantala, itinalaga naman ng Pangulo si  Gerald Divinagracia bilang deputy director-general ng Anti-Red Tape Authority (ARTA), habang sina Grace Fernandez at Leonardo Tapia ay kapuwa Director IV ng kahalintulad na tanggapan.

Nilikha sa bisa ng  RA 11032, ang ARTA ay isang ahensiya ng pamahalaan na may mandato na i-monitor at tiyakin ang pagsunod ng state departments at tanggapan sa  national policy hinggil sa  anti-red tape at pagaanin ang pagnenegosyo sa bansa.

Itinalaga naman ni Pangulong Marcos  sina Rhoda Caliwara at Lucila Tarriela bilang mga miyembro ng  National Tripartite Industrial Peace Council (TIPC), kapwa tatayong kinatawan ng employers’ sector.

Itinalaga rin ng Punong Ehekutibo  sina Temistocles Dejon Jr. at Gerard Seno bilang  National TIPC members, kinatawan ng  labor sector.

Ang  National TIPC ay nagsisilbi bilang main consultative at advisory mechanism  na naka-angkla sa Department of Labor and Employment – Bureau of Labor Relations.

Ang konseho naman ay responsable para sa pagpo-proseso ng major issuances na nakaaapekto sa “labor, employment at iba pang related concerns, at maging sa  clearinghouse para sa rekumendasyon at ratipikasyon o pagtuligsa sa International Labour Organization (ILO) Conventions.”

Ang iba pang  newly appointed government officials ay sina  Debbie Torres (Director IV sa Department of the Interior and Local Government) at Jose Albert Barrogo at Luz Marcelino (both Director III sa Department of Agriculture).

Pebrero 27, 2023 nang tintahan ni Pangulong Marcos ang appointment papers ng mga ito. Kris Jose