Manila, Philippines – Binalaan ng Korte Suprema ang isang abogadong tumutulak sa legalidad ng same-sex marriage dahil sa naging pananamit nito noong June 19 preliminary conference.
Sa pagdinig kasi ay pumasok si Atty. Jesus Nicardo Falcis III nang naka-cropped jeans, sapatos na loafers na walang medyas at naka-jacket.
Sa inilabas na resolusyon ng korte noong July 3, kung uulitin ito ay posibleng mas malala pa ang ipapataw na parusa dito.
Dagdag pa ng Supreme Court, dapat ang naturang sanction ay maisama sa personal na record ni Falcis at sa file nito sa Office of the Bar Confidant.
“He is hereby Admonished to properly conduct himself in court and to be more circumspect of the duties attendant to his being a lawyer,” dagdag pa sa resolusyon.
Noong oral argument ay pinansin din ni Associate Justice Marvic Leonen ang hindi maayos na dress code ng abogado.
Si Falcis na isang open at self-identified homosexual na abogado ay nag-file ng petisyon noong May 18 para ipaalis ang ilang probisyon sa 1987 Family Code na siyang naglilimita ng kasal sa pagitan ng lalaki at babae. (Remate News Team)