Abogado sa PH gov’t: Window hours scheme pag-aralan pa

Abogado sa PH gov’t: Window hours scheme pag-aralan pa

April 26, 2022 @ 11:05 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Inihirit ng isang abogado na dapat pag-aralang mabuti ng pamahalaan ang implementasyon ng window hour scheme dahil hindi maayos ang pagpapatupad nito sa kasalukuyan.

Sinabi ni Atty. Ariel Inton ng Lawyers for Commuter Safety and Protection na mga pasahero ang nahihirapan dahil sa patakarang ito.

“Magkakalituhan talaga yan kasi wala tayong sapat na pag-aaral dyan. Halimbawa…marami kasi ngayon everyday commuters galing sa probinsya, yung mga karatig probinsya like Bulacan, or even as far as Tarlac. Araw-araw po yan bumibiyahe dahil nandito ang trabaho nila,” aniya.

“Yan po ang talagang naaapektuhan kasi they will be forced na mag-transfer, palipat-lipat, kesa naman doon sa dati na diretso sila. Ang maghahari niyan ay mga kolorum. Yan ang magiging sumatotal niyan,” giit pa ng abogado.

Ayon pa kay Inton, na dati ring pinuno ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), dapat ilagay na ang probisyon para sa window hour scheme sa prangkisa ng mga bus oras na mapag-aralang mabuti ang pagpapatupad nito.

“Doon sa prangkisa ng mga buses, tingnan nila mabuti, wala po yan window hour. Kung gusto nila i-implement yan, kinakailangan ilagay nila doon sa prangkisa yan. Maano yan, malalim na pag-aaral, hindi pwedeng basta naisip na, o window hour tayo, ganoon na lang. Hindi po,” pahayag ni Inton.

“Hindi pwedeng patsi-patsi na, o may libreng sakay naman tayo. Ang mga commuters, mas gusto nila kahit magbayad sila, basta convenient para sa kanila ang biyahe,” dagdag pa niya. RNT/SA