Abogadong nagyabang na kayang suhulan mga mahistrado, na-disbar!

Abogadong nagyabang na kayang suhulan mga mahistrado, na-disbar!

February 24, 2023 @ 10:10 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Tinanggalan ng lisensya o dinisbar ng Korte Suprema ang isang abogado na kumatawan sa kanyang kliyente na nagsabing kayang-kaya niyang suhulan ang mga mahistrado ng Court of Appeals (CA) para baligtarin ang desisyon ng paghatol sa isang kaso ng ilegal na droga.

Si Atty. William F. Delos Santos ay na-disbar sa isang buong desisyon ng korte na ipinahayag noong Martes, Pebrero 21, na pinonente ni Associate Justice Japar B. Dimaampao.

Ayon sa public information office (PIO) ng SC na inihain ang reklamo laban kay Delos Santos ni Norma F. Flores matapos na hatulan ng Manila Regional Trial Court (RTC) ang anak nito ng pagbebenta at pag-iingat ng iligal na droga.

Base sa ulat ng Manila Bulletin, ang SC PIO ang nagbigay ng ‘summary of the case’ dahil hindi pa nailalabas ang kabuuang desisyon sa panahong iyon.

Humingi ng legal na serbisyo si Norma at anak nito kay Delos Santos na naniningil sa kanila ng P20,000 bilang acceptance fee at P5,000 para sa collation ng court documents.

Noong 2015 umano nang hinikayat ni Delos Santos si Norma na maglabas ng karagdagang bayad na ₱160,000, na aniya ay gagamitin para ‘suholan’ ng mga Justices ng Fifteenth Division ng CA, kung saan nakabinbin ang kaso ng anak, dagdag pa ng PIO.

Idineposito naman ni Norma ang nasabing halaga sa Banco De Oro Savings Account sa ilalim ng pangalan ng misis ni Delos Santos, ayon na rin sa tagubilin ng abogado.

Nang matanggap ang halaga, tiniyak ni Delos Santos kay Norma na ang pera ay ihahatid sa kanyang insider o ‘facilitator’ sa loob ng Fifteenth Division ng CA.

“To Norma’s dismay, the Fifteenth Division of the CA affirmed her son’s conviction. She immediately called Delos Santos, who claimed ‘he did not know what happened’ since he had made ‘the necessary’ arrangement with the Justices including his facilitator inside the Court of Appeals,’” saad pa ng PIO ng SC.

Dito na nangako si Delos Santos kay Norma na ibabalik ang pera, gayunman nabigo ito kaya napilitan ang ginang na maghain ng reklamo para sa ‘disbarment’ nito.

Hiningan ng komento si Delos Santos ng SC ngunit hindi ito sumunod dahilan para isangguni ang kaso sa Integrated Bar of the Philippines (IBP) para sa imbestigasyon, report at rekomendasyon.

Hindi rin dumadalo si Delos Santos sa itinakdang mandatory conference sa kabila ng pagpapadala ng notice kaya ang IBP Investigating Commissioner ay napatunayang mananagot siya para sa gross misconduct at inirekomenda ang kanyang disbarment.

Dagdag pa na inatasan din ng Korte si Delos Santos na ibalik ang pera ni Norma na halagang P160,000 na may interest na 6% per annum. Jocelyn Tabangcura-Domenden