Abot-kayang monthly amortization sa pabahay, tiniyak ni PBBM

Abot-kayang monthly amortization sa pabahay, tiniyak ni PBBM

February 27, 2023 @ 5:59 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Ginarantiya ni Pangulong  Ferdinand Marcos Jr. na hindi magiging pahirap at pasanin ang monthly amortizations sa mga benepisyaryo ng  housing projects ng kanyang administrasyon.

“Ang proyektong ito at iba pang mga pabahay ng 4PH ay para sa mga minimum wage earners, ang ating mga informal settlers, mga nakatira sa mga danger zone, at sa mga kababayan nating naghahangad ng mura, simple, at komportableng bahay,”  ang pahayag ni Pangulong Marcos sa  groundbreaking ceremony para sa 4PH Project sa Cebu City.

“Sisiguruhin natin na mananatiling abot-kaya ang buwanang hulog at bayad para sa mga bahay na ito kaya patuloy po ang ating pakikipag-ugnayan sa Kongreso upang maging matagumpay ang programang ito,” dagdag na wika nito.

Binansagan bilang Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program, ang flagship housing program ng administrasyong Marcos ay naglalayong tugunan ang housing gap ng bansa sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang milyong bahay para sa susunod na anim na taon.

Matatandaang nanawagan si Pangulong Marcos sa Kongreso na isama ang pondo para sa interest subsidy support sa mga housing projects sa national budget sa mga susunod na taon.

Sinabi ni Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Rizalino Acuzar na posibleng mapababa ang monthly amortization ng pabahay sa tulong ng interest subsidy.

Halimbawa, sa halip na P8,000 monthly amortization kada pamilya, nasa P3,500 hanggang P4,000 na lamang ang babayaran kapag may interest subsidy.

Kaya naman muling hinamon ni Pangulong Marcos ang DHSUD na manatiling  matatag upang matupad ang pangakong mura at maayos na pabahay para sa mga kababayang nangangailangan.

Hinikayat naman ni Pangulong Marcos ang mga housing beneficiary na  pangalagaan ang kanilang bahay at panatilihing malinis at maayos ang  pamamahay at kapaligiran.

Samantala, ang housing project sa Barangay Basak San Nicolas ay bahagi ng Cebu City South Coastal Urban Development Housing Project.

Ang first phase ng  project ay tinitingnan na mapakikinabangan ng 8,000 informal settlers at low wage earners sa lungsod.

Maliban sa  housing units, sinabi ni Pangulong Marcos na ang gobyerno ay magtatayo ng iba pang imprastraktura gaya ng eskuwelahan, pamilihan, health centers at iba pang  business establishments para umalalay sa komunidad. Kris Jose