Abra quake infra damage halos P2B na – NDRRMC

Abra quake infra damage halos P2B na – NDRRMC

August 11, 2022 @ 1:42 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Pumalo na sa halos P2 bilyon ang pinsala sa imprastraktura ng magnitude 7 na lindol na tumama sa Abra nitong Hulyo 27, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Huwebes.

Batay sa situational report, sinabi ng NDRRMC na ang halaga ng 2,433 damaged infrastructure sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Cordillera Administrative Region (CAR), at the National Capital Region (NCR) ay sumampa na sa P1,993,069,205.62.

Karamihan sa pinsala na naitala sa 1,453 imprastraktura, sa Ilocos Region na nagkakahalaga ng P1,038,953,119.65.

Apektado rin ang 35,958 tahanan sa Ilocos Region, Cagayan Valley, CAR, at NCR. Sa bilang na ito, 35,265 tahanan ang partially damaged, at 693 ang totally destroyed.

Hindi naman bababa sa 146,363 pamilya o 533,651 indibidwal ang apektado sa 1,343 barangay sa Ilocos Region, Cagayan Valley, at CAR.

Ayon pa sa NDRRMC, naiulat ng Department of Agriculture ang P48,256,325.55 pinsala sa agriculture sector ng CAR, habang ang National Irrigation Administration nakapag-ulat ng P22,700,000 pinsala sa Ilocos Region at CAR.

Nananatili naman sa 11 ang death toll, habang ang bilang ng mga sugatan ay sumampa na sa 609.

Wala rin umanong naiulat na nawawala, base sa NDRRMC.

Sa kasalukuyan ay 29 lungsod at munisipalidad ang nagdeklara ng State of Calamity dahil sa lindol. RNT/SA