Abra quake tinukoy ng Phivolcs na ‘major earthquake’

Abra quake tinukoy ng Phivolcs na ‘major earthquake’

July 27, 2022 @ 1:56 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Tinukoy ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) bilang isang “major earthquake” ang magnitude 7 lindol na tumama sa Abra at yumanig sa bahagi ng Luzon nitong Lunes ng umaga, at nagbabala na maaari itong magdulot ng ilang aftershocks na maaaring tumagal nang ilang buwan.

“Ito pong lindol kaninang 8:43 [a.m.] ay isang major earthquake, ang initial automated calculation natin ay magnitude 7.3 may lalim na 25 kilometers kaya mababaw ito at malakas ang intensity,” ani Phivolcs officer-in-charge Renato Solidum.

“Sa mga susunod na araw marami, at pwede pong mga first week marami pero pahina na ‘yan usually mga after 3 or 4 days.”

“Pwede po magtagal yan ng mga buwan pero with time bumababa ang bilang,” aniya pa.

Nagbabala naman siya na posibleng magdulot ng pinsala ang lindol sa Lagangilag, Abra at mga karatig-probinsya nito, na malapit sa epicenter ng lindol.

“Puwede po magkaroon ng mga damage sa mga bahay at building, na puwede pong mag-collapse kung sila ay hindi maayos ang pagkakagawa,” paglalahad ni Solidum.

“Ang importante po tignan natin kung ano ang magiging report sa ating mga simulations at doon sa Abra at ilang bayan at karatig na probinsya na pwede pong mataas ang intensity,” patuloy niya.

Samantala, naiulat naman sa iba pang mga probinsya ang mga napinsalang istraktura, power lines, mga pader at tulay.

Dahil din sa lindol, sinuspinde ang mga klase at trabaho sa Baguio at Abra.

Sinabi ni Solidum na sinisilip ng Phivolcs ang Vigan-Aggao fault bilang mitsa ng lindol. RNT/SA