Abra quake victims makatatanggap ng hanggang P30,000 cash aid – Housing Dep’t

Abra quake victims makatatanggap ng hanggang P30,000 cash aid – Housing Dep’t

August 1, 2022 @ 5:34 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Makatatanggap ang mga biktima ng lindol sa Abra sa Northern Luzon ng cash aid na nagkakahalaga ng hanggang P30,000 upang muling makapagtayo ng tirahan, ayon sa opisyal nitong Lunes.

Nakadepende ang halaga sa pinsala, kung saan ang pinakamababang pwedeng matanggap ay P5,000, kahit na pumalo sa 20,533 ang bilang ng mga napinsalang bahay hanggang nitong Lunes, ayon kay Housing Assistant Secretary Avelino Tolentino sa media briefing.

“Meron din po kasing Emergency Housing Assistance Program (EHAP) ang aming National Housing Authority (NHA) and there are still funds available doon po sa aming budget and ‘yun po ang titingnan namin kung paano po ito ire-release,” sabi ni Tolentino.

Hindi pa inaanunsyo ng Housing Department kung ilang pamilya ang mabebenipisyuhan ng cash aid.

“Ang aming pong tinitingnan is ‘yung ating affected families which is at 54,504. We’ll have to validate the numbers,” sabi ni Tolentino. RNT/SA