ABS-CBN franchise bill ni Sotto, inupakan ni Gadon

ABS-CBN franchise bill ni Sotto, inupakan ni Gadon

January 5, 2021 @ 12:39 PM 3 months ago

  •  
  •  
  •  

MANILA, Philippines – “Lagyan ng Eat Bulaga ang lahat ng istasyon ng telebisyon”!

Ito ang banat ni Atty. Larry Gadon, kilalang tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte, kaugnay sa inihain na franchise renewal bill ni Senate president Tito Sotto para sa ABS-CBN.

Sa isang pahayag, sinabi ni Gadon na wala sa tungkulin ng mga senador na husgahan kung ano ang magandang programa sa telebisyon.

Hindi rin naman aniya sakop ng senado ang pagkakaloob ng prangkisa dahil sa Kamara dapat nagsisimula ang pagdinig sa anomang franchise bill.

Katawa-tawa umano ang dahilan ni Sotto na hindi na maganda ang takbo ng industriya ng telebisyon mula nang hindi na-renew ang prangkisa ng ABS-CBN network.

Patutsada ni Gadon, lagyan na lang ang lahat ng tv station ng Eat Bulaga kung ang nais ng senado ay magkaroon ng educational, informative at cultural development.

Mahugunita na si Gadon ang naghain ng petisyon sa Korte Suprema upang maharang ang naunang ipinagkaloob na provisional authority ng kamara sa ABS-CBN. Teresa Tavares


  •  
  •  
  •