Abu Sayyaf suspek sa Isabela twin bombing

Abu Sayyaf suspek sa Isabela twin bombing

June 1, 2022 @ 11:50 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Kabilang ang Abu Sayyaf Group (ASG) sa mga suspek na iniimbestigahan ng militar sa likod ng isa sa dalawang pagsabog na tumama sa Isabela City, Basilan noong Lunes, Mayo 30.

Sinabi ni Lt. Gen. Alfredo Rosario Jr., commander ng Western Mindanao Command (WestMinCom), na hinigpitan ang seguridad sa Isabela City kasunod ng kambal na pagsabog habang sinusuri na ang mga kuha ng closed circuit television (CCTV) na maaaring matukoy kung sino ang mga salarin sa likod ng pagsabog sa D’ Biel Bus Terminal sa Brgy. La Piedad dakong 6:15 p.m.

Dalawang indibidwal ang sugatan sa insidente, kabilang si Evangelyn Gudilla Francisco, isang storekeeper sa terminal ng bus, na nagtamo ng mga pinsala matapos matamaan ng mga debris. Ang isa pang biktima ay isang security guard na nagtamo ng mga sugat.

Bago ito, nagkaroon din ng pagsabog sa loob ng isang fast food chain sa kalapit na Brgy. Isabela Proper bagamat sinabi ng mga imbestigador na ito ay sanhi ng faulty electrical wiring.

“We are eyeing ASG as the suspect [in the terminal explosion] although we really have no official report yet right now as to who the perpetrators were and what their motive was,” ani Rosario.

Sinabi ng hepe ng WestMinCom na ang ASG ay isa nang “mahina” na grupo sa Basilan ngunit kinilala niya ang kanilang kakayahan na magsagawa ng isolated attacks.

“They only have very few members so they are probably trying to remain significant if indeed they are the culprits,” ani Rosario.

Bukod sa ASG, kinokonsidera rin ng militar ang mga “extortionist” bilang posibleng mga suspek sa pagsabog. Aniya, nakikipagtulungan ang militar sa pulisya upang matukoy at maaresto ang mga suspek sa lalong madaling panahon.

Samantala, sinabi ni Rosario na ang pagsabog sa Basilan ay hindi konektado sa kambal na pagsabog na nangyari sa Koronadal City, South Cotabato ilang araw ang nakalipas. RNT