Abusadong MTPB, kalusin; 16 wheeler truck, pilit tino-tow istilong hijacking

Abusadong MTPB, kalusin; 16 wheeler truck, pilit tino-tow istilong hijacking

July 13, 2018 @ 1:17 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Dapat na umanong kalusin at matigil ang gawain  ng mga abusadong tauhan ng Manila Traffic Parking Bureau (MTPB) dahil sa mga hindi makatarungang pagto-tow sa ilang mga sasakyan sa lungsod ng Maynila.

Nito lamang Huwebes ay pilit na ipinapa-tow ng MTPB deputy leader na si Lanie Caparas ang isang 16 wheeler na truck na puno ng sako-sakong bigas sa bahagi ng kahabaan ng Juan Luna St., sa Gagalangin, Tondo, Maynila.

Ayon sa barangay na nakakasakop sa lugar, bigla na lamang dumating ang dalawang tow trucks sa kahabaan ng Juan Luna at biglang hinarangan ng MTPB truck ang gate ng bodega kung saan nagmamaniobra ang trak papasok sa loob ng nasabing bodega.

“Harangin nyo! Harangin nyo!” ito pa umano ang utos ni Caparas sa isang tow truck upang maharanagan ang driveway ng bodega kaya hindi makapasok ang noo’y nagmamaniobra na 16 wheeler trak.

Nang lumapit ang mga kagawad ng Barangay 163, Zone 14 upang kausapin si Caparas ay nagalit pa ito, sinigawan at nagsalita pa ng “Nagkakaron ka yata dyan kagawad inamo!”

Dahil dito, nagkaroon ng bahagyang komosyon hanggang sa tumawag pa ng pulis si Caparas.

Namagitan din ang tserman ng Barangay na nakakasakop sa lugar na si Chairwoman Lourdez Gutierrez subalit bigla na lamang umalis si Caparas.

Gayunman nagpatuloy sa pag-clamp at pag-tow ng tauhan ni Caparas sa nasabing trak.

Sa puntong iyon, sinabi ni Gutierrez na magsasampa ito ng kaso laban sa grupo ni Caparas dahil maliwanag aniyang hijacking ang kanilang ginagawa sa 16 wheeler trak.

Ilang minuto pa ang nakalipas nang dumating ang mister ni Caparas at sinabing ibabalik ang trak.

“Sige ibalik niyo kundi magpa-file kame ng kaso! Kayo pa me ganang tumawag ng pulis!” ito naman ang sagot ni Gutierrez.

Ilang minuto pa ang lumipas nang ibalik ang 16-wheeler truck sa Juan Luna ngunit wala na ang grupo ng MTPB.

Ayon pa kay Gutierrez, ang kalye ng Juan Luna ay kanilang binabantayan dahil ito ay malapit sa mga eskuwelahan at ayaw aniyang nagdudulot ng matinding trapiko sa lugar.

Malinaw din aniyang nagmamaniobra lamang ang trak papasok sa kanilang bodega kaya’t iligal ang aksyon ng mga tauhan ni MTPB sa pangunguna ni Caparas.

Bunsod nito, umapela ang ilang concern citizen lalo na ang barangay sa pamunuan ng MTPB kay Director Dennis Alcoreza na salain mabuti at isailalim sa matinding seminar at training ang kanilang mga tauhan na kadalasan ay inilalagay sa alanganin ang kanilang hanay.

Samantala, nagbigay na ng pahayag ang pamunuan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) kaugnay sa mga isyu ng mga abusadong personnel nito.

Sa panayam kay MTPB Deputy Operations Chief Dennis Ibona,   hindi nila kinukunsinte ang mga walang disiplinang miyembro ng kanilang bureau.

Ginawa ni Ibona ang pahayag kaugnay na rin sa umano’y iligal na pag-tow  ng EBB Towing Services sa isang truck sa kahabaan ng Juan Luna.

Ayon kay Ibona, kanila ring paiimbestigahan ang nangyari at kong sakali aniyang mapatunayan na may pagkakamali ang towing service ay kanima itong sususpindihin.

Ipapatawag aniya nito si Lanie Caparas, ang towing team leader na nakasagutan ng ilang opisyal ng barangay sa lugar sa pamumuno ni Chairwoman Lourdez Gutierrez.

Paliwanag ni Ibona karamihan sa sumbong na kanilang natatanggap ay may iba pang anggulo ng istorya.

Nagpaliwanag din si Ibona sa patuloy na nararanasan na trapik sa lungsod.

Aniya mga road construction ng DPWH ang mas nagpapasikip ngayon sa kalsada maliban pa diyan ang kakulangan nila ng tao sa MTPB. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)