ABUSADONG POGO FIRMS DEDMA SA PAGCOR

ABUSADONG POGO FIRMS DEDMA SA PAGCOR

January 25, 2023 @ 1:26 PM 1 week ago


WALANG pangil ang pagdidisiplina ng Philippine Amusement and Gaming Corporation sa mga kompanya ng Philippine Offshore Gaming Operators sa bansa sa gitna nang pagkakasangkot ng ilang empleyado nito sa malalaking krimen sa Kamaynilaan kung saan ugat ng malawakang panawagan na ipatigil na ang operasyon nito.

Ito ang reaksyon ni Senate Committee Chairman Sherwin Gatchalian kaugnay sa ibinulgar ni Senador Grace Poe na dawit ang ilang trabahador ng dalawang POGO firms mula sa Brickhartz Technology Inc. at MOA Cloudzone Corporation sa isang krimen noong Disyembre ng nakaraang taon.

Hindi nga naman makatarungan na pinagmulta lang ng PAGCOR ang Brickhartz ng P500,000 kaugnay sa kinasasangkutan nitong kidnapping at serious physical injuries ng isang babaeng panibagong biktima ng karahasang inginusong kagagawan umano ng ilang Tsinoy na empleyado ng POGO.

Bakit nga naman hindi kasuhan at tuldukan ang operasyon ng kompanyang ito at iba pang POGO firms na may kinalaman sa ilang naglalakihang krimen katulad ng murder,human trafficking,droga at kidnapping samantalang mabilis pa sa alas kuwatrong sinasampahan ng kaukulang kaso ang sinomang kababayan natin na nadadawit sa mga insidenteng ito?

Hindi kaya ang tongpats na ibinibigay ng mga may-ari ng POGOS sa ilang tiwaling taga-PAGCOR at iba pang ahensya ang ugat kung bakit masyadong malambot sa una kahit pa sinasalaula na nito ang kapwa natin Pinoy?

Imposibleng ang ibinabayad nitong kakarampot na buwis sa gobyerno ang dahilan ng malambot na pagtrato ng PAGCOR sa mga sutil na POGO na kadalasan ay inuutang pa nga nito ang obligasyon sa pamahalaan noon pa man.

Ibig sabihin,maliwanag pa sa sikat ng araw na tumpak ang ipinarating sa inyong lingkod na sumbong na ang hanap-buhay ng ilang tiwaling opisyal ng gobyerno sa pamamagitan ng hatag ng mga operator ng POGO sa kanila ang ugat ng malayang pag-ooperate nito sa gitna ng sangkaterbang reklamo mula sa mga kababayan natin.

Sa totoo lang,tayo ang tagasalo ng isinusukang mga POGO sa China na pinaglalaruan naman ang ating batas kapalit ng suhol na tinatanggap ng ilang ganid sa kwartang taong gobyerno.