ABUSONG SEXUAL SA SIMBAHAN KAKALKALIN NG GOBYERNO

ABUSONG SEXUAL SA SIMBAHAN KAKALKALIN NG GOBYERNO

February 9, 2022 @ 10:40 PM 8 months ago


HINDI pupwedeng basta kalimutan at isantabi na lang ang pang-aabusong sekswal ng mga pari ng Simbahang Katolika.

Dapat maparusahan ang mga pari at obispo na may kagagawan o nagpabaya rito.

Ito ang mga pahayag ni Spanish Prime Minister Pedro Sanchez makaraang may lumantad na mga lalaking biktima ng posibleng mga pedopilyang pari.

DAAN-DAANG KASO, LIBONG BIKTIMA

Sa kanyang reklamo sa parliamento ng Espanya sa Madrid mula sa United Kingdom na kanyang tinitirhan ngayon, umani ng mahigit 58,000 suporta ang biktimang si Miguel Hurtado habang nangangampanya para sa kaukulang imbestigasyon.

Sa kasalukuyan, may naitala nang 611 kaso ng pedopilia na kinapapalooban ng 1,246 biktima at dumarami pa ang mga nagpapalistang biktima.

Ayon kay Hurtado na sinamahan na rin ng biktimang si Ricard Zamora at iba pa, ang pari na si Andreu Soler ang nang-abuso sa kanila.

Naganap umano ang lahat sa Abbey of Monserrat sa Barcelona.

Kabilang din sa mga lumantad na biktima sina Angel Plaza na inabuso umano ng paring si Francisco Carreras sa Salamanca.

Isang pari na si Manuel Briñas ang inilantad ding nang-abuso.

Ang isang pari ay sinasabing nakapang-aabuso ng 10 hanggang 100 na menor-de-edad, kasama na ang mga sumasama sa mga pari sa mga aktibibad ng Boy Scout at larong football.

SPANISH EPISCOPAL COMMISSION VS GOBYERNO

Sa ngayon, pinagdedebatehan pa sa parliamento kung ipagpapatuloy ang imbestigasyon.

At kung mapagpapasyahang ituloy ang imbestigasyon, pangungunahan ito ng Ombudsman sa ilalim ni Ángel Gabilondo.

Sa kabilang banda, sinasalag na ng Spanish Episcopal Commission ang panukalang imbestigasyon ng gobyerno.

Katwiran nila, mga Bro, hindi na dapat sa gobyerno magreklamo ang mga biktima kundi sa mga diocese na nakakalat sa buong Espanya.

Ngunit hindi naman pumapayag ang maraming biktima dahil napatunayan na umanong halos hindi iniintindi ng mga obispo ang mga kaso.

Kung hindi naman, pinagtatakpan pa ang mga ito gaya ng ilang kaso sa Abbey of Monserrat.

SIMBAHAN SA FRANCE MAGBABAYAD

Matapos malantad ang sangkaterbang pedopilia ng mga pari at obispo sa bansang France, nagpahayag na ang Simbahang Katolika roon na magbabayad sila ng danyos sa mga libo-libong biktima ng mga pang-aabusong sekswala, at kasama sa mga nang-abuso ang ilang guro sa mga Katolikong eskwelahan.

Umabot sa 330,000 ang biktima at nasa  216,000 dito ang inabuso ng mga pari at Obispo.

SA PILIPINAS KAYA?

May mga bading din na pari sa mahal kong Pinas.

Umabot pa nga ang ilan sa mga ito sa posisyong Obispo.

Pero higit yatang problema ang pagiging mahilig sa mga babae ang mga nasa Pinas.

Meron na ngang inakusahan na nakikipagmabutihan sa ilang asawa ng may asawa na dahilan ng pagpatay sa kanya.

Meron na ring monsignor na nademanda dahil sa pakikipag-date sa motel ng isang menor-de-edad.

At may mga maraming anak na si misis ay sa Hong Kong pa nanganganak.

Magkakaroon din kaya ng mga pagbubulgar na sinimulan na ating mga ninuno, kabilang na sina Gat Jose Rizal at Marcelo del Pilar noong panahon ng mga Kastila?