“Acceptable intervals” ng ibat ibang brand ng bakuna, ipinaliwanag ng DOH

“Acceptable intervals” ng ibat ibang brand ng bakuna, ipinaliwanag ng DOH

July 6, 2021 @ 12:01 PM 1 year ago


MANILA, Philippines – Ipinaliwanag ng Department of Health ang tinatawag na “acceptable intervals” sa doses ng ibat-ibang brand ng bakuna  laban sa coronavirus disease.

Sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na base sa presentasyon ng vaccine expert panel,ang mga sumusunod na inirerekomendang interval ng una at ikalawang dose ng mga bakuna ay ang sumusunod.

Para sa Pfizer-BioNTech at Moderna ay dapat 42 araw habang at ang CoronaVac ng  Sinovac ay 28 araw at ang Sputnik V ng Gamaleya naman ay dapat  90  na araw.

Batay din aniya sa mga eksperto , ang tatlo hanggang anim na buwan ay katanggap-tanggap para sa ikalawang dose ng COVID-19 vaccine.

Ibig sabihin, hindi na kailangan na ulitin ang pagbabakuna ng unang dose, kahit bahagyang magtagal ang pagturok sa ikalawang dose basta’t pasok sa nabanggit na interval.

Muli namang nagpaalala si Vergeire sa publiko na huwag na patagalin ang pagtanggap ng bakuna kung available na ang ikalawang dose.

Kabilang aniya sa ilang balidong rason ng hindi agad pagpapaturok ng ikalawang dose ay dahil tinamaan ng COVID-19 o naka-quarantine.

Panawagan din ng DOH sa mga lokal na pamahalaan, gumawa ng iba’t ibang mga diskarte upang mahimok ang kani-kanilang mga residente na kumpletuhin ang dalawang dose ng COVID-19 vaccine. Jocelyn Tabangcura-Domenden