Access block ng NTC sa Bulatlat, pinigil ng korte

Access block ng NTC sa Bulatlat, pinigil ng korte

August 12, 2022 @ 8:57 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Pinagbigyan ng isang korte sa Quezon City ang independent na news outlet Bulatlat ng preliminary injunction laban sa kautusan ng gobyerno na pag-block sa access sa website nito.

Nangangahulugan ito na hinarang ni Judge Dolly Rose Bolante-Prado ng Quezon City Regional Trial Court Branch 306 ang kautusan ng National Telecommunications Commission (NTC) sa pamamagitan ng inilabas na memorandum nitong Hunyo 8 laban sa Bulatlat “until a final adjudication of the merits of the main case has been made.”

Ang hakbang ni Prado ay matapos ang halos isang buwan na pagtanggi niya sa hinirit na  temporary restraining order (TRO) ng news site laban sa nasabing memo ng NTC.

Sa panahong iyon, hindi niya pinagbigyan ang TRO dahil naa-access pa rin ng mga miyembro ng korte ang bulatlat.com.

Sa ipinalabas na utos, idineklara ni Bolante-Prado na mayroong “malinaw” na paglabag o pagpigil sa karapatan sa malayang pananalita at sa kalayaan ng pamamahayag ng Bulatlat sa limitadong access sa website nito.

Nauna nang iniulat ng organisasyon ng media ang isang makabuluhang pagbaba sa bilang ng mga website visit kasunod ng hakbang ng NTC.

“To the Court, any limitation or restriction in the exercise of one’s right, no matter the extent, and for even minimal periods of time, is a form of deprivation, and, clearly, a violation of such right,” saad sa kautusan ng hukom. “The violation itself is damage enough on the one restrained which cannot be quantified or measured in terms of monetary value.”

Sa isang pahayag, pinasalamatan ng Bulatlat si Bolante-Prado sa pagtataguyod ng mga karapatan ng mga mamamahayag, gayundin ang mga abogado at tagasuporta nito “sa paninindigan sa amin laban sa censorship na inisponsor ng estado.”

“The court’s resolution is a powerful yet beautiful defense of constitutionally-guaranteed press freedom,” anang news outlet.

Pinagbigyan ng korte ang apela ng Bulatlat sa kondisyon na mag-post ito ng ₱100,000 na bond upang sagutin ang mga danyos sakaling mapagpasyahan na hindi dapat nailabas ang injunction.

Inilabas ng NTC ang kontrobersyal na memo nito sa kahilingan ni National Security Adviser Hermogenes Esperon na ipagbawal ang pag-access sa mga website na inakusahan niyang may mga link sa mga komunistang grupo na itinalaga ng estado bilang mga terorista. RNT